Mga anak ang binenta
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - February 11, 2020 - 12:00am

(Huling bahagi)

KINASUHAN ang mag-asawa sa tatlong bilang ng pag­labag sa Section 4 (e) at Section 6 (a) (d) ng RA 9208 para sa pagsasabwatan nila at paggamit sa sarili nilang mga anak na sina Kriza, Lucy at Lyca na isinadlak nila sa prostitusyon at pornograpiya.

Pinakita na pilit pinasayaw nang hubad ang tatlo, ipinakita ang kanilang ari, puwet at dibdib sa harap ng computer para pagpistahan ng mga banyaga sa internet kapalit ng paniniwalang kailangan nilang gawin ito para makakuha ng pera na panggastos nila sa araw-araw.

Sinampahan ng dagdag na kaso si Mirasol at isang John Doe na kasabwat nito para madala si Kriza sa isang hotel at tuloy pagsamantalahan ni Michael noong 14-anyos pa lang ito kapalit ng P100,000.00 na malinaw din na paglabag sa Section 4 (a) at Section 6 (a) and (d) ng RA 9208.

Walang nagawa ang mag-asawa kundi itanggi ang lahat ng paratang sa kanila. Hindi raw nila alam kung ano ang motibo ng mga anak sa akusasyon sa kanila. Si Kriza raw ay lumayas dahil nabuntis ng boyfriend. Patay malisya rin ang dalawa sa mga nakumpiskang laman ng computer nila sa bahay.

Napatunayan ng RTC na nagkasala sina Mirasol at Sven sa apat na bilang ng Qualified Trafficking in Persons sa ilalim ng RA 9208. Walang pag-aalinlangan na napatunayan daw ng prosekusyon na nagsabwatan ang dalawa para isadlak sa cybersex sa mga parukyanong banyaga ang mismong mga anak nilang sina Kriza, Lucy at Lyca gamit ang iba’t ibang website.

Ayon pa sa korte, hindi kapani-paniwala ang palusot ng mag-asawa na inimbento lang ng tatlong anak nila ang walang basehang paratang sa kanila dahil malinaw na isinalaysay ng tatlo ang lahat ng ginawa sa kanila pati walang nakikitang motibo para magsinungaling ang mga bata laban sa sariling mga magulang.

Nang umakyat sa Court of Appeals ang kaso ay binawasang at ginawang tatlong bilang lang ng paglabag ang ginawa ni Sven ayon na rin sa nakalagay sa Information dahil ang pang-apat na kaso ay kay Mirasol at John Doe naman.       

Pareho ang nagging hatol ng Supreme Court. Ayon sa SC, totoong nagkasala sina Mirasol at Sven sa tatlong bilang ng Qualified Human Trafficking of Persons sa ilalim ng batas (Section 4 [e] in relation to Section 6[a] and [d] of RA 9208). Ayon pa sa SC, napatunayan ng prosekusyon na: 1) sina Sven at Mirasol ang tunay na magulang nina Kriza, Lucy at Lyca; 2) inutusan nila ang sarili nilang mga anak na gumawa ng kung anu-anong kalaswaan at sinadlak nila ang mga bata sa cybersex sa harap ng iba’t ibang parukyanong banyaga kaya malinaw na sila mismo ang nagtulak sa mga anak sa prostitusyon at pornograpiya; 3) tumanggap sila ng pera kapalit ng sexual exploitation ng 3 bata at; 4) nagtagumpay sila sa kanilang maitim na balak dahil napaniwala nila ang mga bata na kailangang gawin ang mga kalaswaang ito para may pantustos sila sa araw-araw na gastos.

Panghuli, dineklara rin ng SC na nagkasala si Mirasol sa isang bilang ng paglabag ng parehong batas [Section 4[a] in relation to Section 6[a] and [d] – RA 9208) nang biniyahe niya at dinala sa hotel si Kriza para ibugaw sa isang banyaga at nasadlak sa prostitusyon ang anak kapalit ng perang kailangan daw ng pamilya.

Kaya hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang mag-asawa sa tatlong unang kaso (Section 4[e] at pinagbabayad ng multa na P2 milyon, P500,000 na moral damages at P100,000 exemplary damages sa kanilang mga anak na biktima. Si Mirasol ay napatunayan na nagkasala rin sa paglabag ng Section 4(a) at hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo pati parehong multa na P2 milyon pati P500,000 na moral damages at P100,000 exemplary damages (People vs. XXX and YYY, G.R. 235652, July 8, 2018).

QUALIFIED TRAFFICKING IN PERSONS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with