EDITORYAL - Kampanya vs mga bulok na sasakyan, nasaan na?
(Pilipino Star Ngayon) - January 29, 2020 - 12:00am

MALUBHA na ang air pollution sa Metro Manila at hindi naman ito nabibigyan ng solusyon ng pamahalaan. Ayon sa report, 80 percent ng air pollution problem ay nagmula sa mga lumang sasakyan lalo na sa mga jeepney. At kapansin-pansin na patuloy pa rin ang pagyaot ng mga lumang sasakyan, lalo pa ang mga pampasaherong jeepney. Nasaan na ang kampanya ng pamahalaan na wawalisin ang mga lumang jeepney?

Noong nakaraang taon, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na hanggang Hunyo 30, 2020 na lamang ang palugit sa mga bulok na public utility vehicle (PUV) kabilang ang jeepneys para yumaot sa mga kalsada. Pagsapit ng Hulyo 1, hindi na dapat makita ang mga ito bilang pagsunod sa modernization program na inilunsad noong 2017. Mismong si President Duterte pa ang nagsabi na kapag hindi sumunod ang operators sa kampanya, ipahahatak niya ang mga bulok na jeepney.

Ayon sa programa, lahat ng mga lumang jeepney na may edad 15 taon pataas ay papalitan ng mga modernong PUVs na pinatatakbo ng bagong Euro 4-compliant diesel engines o electric motors. Layunin ng programa na makapagbigay ng ligtas na transport system sa commuters at upang malabanan din ang matinding epekto ng air pollution. Karamihan sa mga jeepney ay hindi na dumadaan sa maintenance schedule at pasada lang nang pasada. Banta rin sa buhay ng mga pasahero sapagkat dahil sa kalumaan, nawawalan ng preno at sumasalpok ang mga ito at may mga namamatay.

Ayon sa Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB), target nila na mapalitan ang may 170,000 units ng mga bulok na jeepney sa buong bansa. Sa kasalukuyan, mayroon nang 4,000 units na mga modernong jeepneys. Sabi ng LTFRB ngayong 2020, makukumpleto nila ang mga target na modern jeepneys.

Nagbabanta naman ang ilang grupo at mga ope­rator ng jeepney na magsasagawa sila ng tigil pasada para tutulan ang modernization program. Hindi raw kakayanin ng mga operator ang mahal na presyo ng mga modernong jeepney.

Nasaan na ang kampanya laban sa mga bulok na sasakyan? Natatakot ba sa banta ng transport groups? Panahon na para walisin sa kalsada ang mga bulok na sasakyan na mapanganib sa buhay at nagdudulot ng air pollution. Ipagpatuloy ang moder­nisasyon ng mga pampublikong sasakyan.

JEEPNEY
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with