Nakalulungkot na sitwasyon
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - October 23, 2019 - 12:00am

WALA silang pondo. Walang sasakyan. May 1 computer at 14 lang ang tauhan. Ito ang himutok ng PNP-Internal Affairs Service (PNP-IAS) na nag-iimbestiga sa mga tiwaling pulis. Ngayon lang naisapubliko ang kanilang sitwasyon. Paano nga naman nila mapapabilis ang pag-imbestiga sa mga tiwaling pulis kung ganito lang ang kakayanan ng kanilang ahensiya?

Nasa P86 milyon lang ang budget ng PNP-IAS noong 2018, ayon kay Atty. Alfegar Triambulo, direktor ng IAS. Ikumpara sa madaling pagdoble ng mga sahod ng kapulisan. Mas masaklap pa raw ang sitwasyon sa mga probinsiya kung saan iilan lang ang tauhan. Ang PNP-IAS ay bahagi pa rin ng PNP. Hindi kaya ganyan ang sitwasyon dahil sinasadyang pahirapang mag-imbestiga sa mga pulis? Ang nais nga ni Triambulo, maging hiwalay sa PNP ang IAS tulad ng ibang bansa para mabig­yan nang malaking budget. Pero Kongreso ang lilikha ng batas para mangyari iyan. At sa ngayon na kontrolado ng mga kaalyado ni Duterte ang Kongreso, hindi mangyayari iyan dahil sa relasyon ng kapulisan kay Duterte.

Ito marahil ang dahilan kung bakit walang takot ang mga pulis na gumawa ng kalokohan dahil hindi magiging mabilis ang imbestigasyon sa kanila. Totoo nga na mababaon sa limot maliban na lang kung maging mainit na isyu tulad ng “ninja cops” kung saan inimbestigahan ng Senado at binantayan ng media. Ang mga IAS sa ibang bansa ay kinatatakutan ng mga pulis dahil sa masusing imbestigasyon. Kapag tinawag na ang IAS para mag-imbestiga, hindi na umano kumportable ang mga pulis na kasangkot. Dito mukhang hindi kinakata­kutan ang IAS. Baka sila pa ang tinatakot. Hindi ko alam kung mangyayari ang paghiwalay ng IAS sa PNP. Sigurado hindi sa termino ni Duterte. Ganunman, sana ipagpatuloy ng IAS ang kanilang tungkulin. Maganda sana kung may mambabatas na magbibigay-suporta sa kanilang tanggapan. Makatulong kaya ang Senado?  

PNP-INTERNAL AFFAIRS SERVICE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with