EDITORYAL - Huwag ibandera ang mukha at pangalan sa ambulansiya
(Pilipino Star Ngayon) - July 22, 2019 - 12:00am

ISA sa mga dapat ibawal ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) ay ang paglalagay ng pangalan at retrato ng mayor sa mga ambulansiya at iba pang sasakyan ng gobyerno. Kapansin-pansin ang nagdudumilat na pangalan ng mayor o maski barangay chairman sa mga sasakyang hindi naman nila pag-aari kundi sa taumbayan. Karaniwan­ na lamang makikita sa lansangan ang mga sasakyan at tila pinapayagan na ang ganitong sistema.

Hindi naman pag-aari ng mayor o barangay chairman­ ang ambulansiya o maski ang barangay service vehicle kaya hindi nararapat ilagay ang pangalan at retrato nila roon. Pera ng taumbayan na galing sa bina­yad nilang buwis ang ibinili ng ambulansiya at iba pang service­ vehicle kaya hindi dapat ilagay ang pangalan ng pulitiko roon. Nasaan ang kanilang delikadesa? Inaangkin nila ang bagay na taumbayan ang bumili. Mahiya naman sana ang mga pulitikong nandidilat ang pangalan sa sasakyan na ni isang sentimo ay wala silang inihati.

Isa sa mga tumututol sa ganitong kalakaran ang mayor ng Maynila na si Francisco “Isko Moreno” Doma­goso. Mahigpit niyang ipinag-utos na huwag ilagay ang kanyang pangalan sa mga gusali o anupamang establisimento ng gobyerno at ganundin sa mga sasakyan. Nang maupo siya noong Hulyo 1, una niyang pinag-utos na huwag ilalagay ang kanyang pangalan o retrato saan mang pag-aari ng gobyerno.

Noong nakaraang linggo, ipinag-utos niya sa may-ari ng food trucks na nagsisilbi ng libreng hot meals na alisin ang kanyang pangalan at picture sa trucks. “Nakikiusap po ako sa nag-donate ng pagkain, na ali­sin ang retrato at pangalan ko sa truck. Nagpapa­salamat ako sa nag-donate ng pagkain pero paki­usap po alisin ang pangalan ko at retrato,” sabi ni Isko makaraan ang flag ceremony sa Bonifacio Shrine na kanyang ipinalinis.

Noong 2016 na kauupo pa lang ni President Duterte sa puwesto, mahigpit niyang ipinag-utos na huwag ilalagay ang kanyang picture sa government offices o mga school. Tanggalin daw ang mga ito. Hindi raw kailangang ibandera ang kanyang mukha sa mga tanggapan ng pamahalaan at eskuwelahan.

Kung ang Presidente at mayor sa Maynila ay taha­sang sinabi na ayaw nilang ilagay ang kanilang retrato at pangalan sa mga pag-aari ng pamahalaan, ito ang nararapat tularan ng iba pang pulitiko. Huwag nilang angkinin ang binili ng taumbayan sa pamamagitan ng paglalagay ng kanilang pangalan at retrato sa mga ambulansiya. Magkaroon naman ng delikadesa.

DEPARTMENT OF INTERIOR AND LOCAL GOVERNMENT
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with