Pagdagsa sa Pag-asa: ano’ng balak ng China
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - May 20, 2019 - 12:00am

ILEGAL ang pagdagsa ng China fishing militia sa karagatan ng Pag-asa. Teritoryo ng Pilipinas ang islang ‘yon, pinakamalaki sa bayan ng Kalayaan, Palawan. Batay sa international law, teritoryo rin ng Pilipinas hanggang 12 nautical miles ang paligid na dagat. Ma­aring makiraan ang dayuhan, ani Dr. Jay Batongbacal ng Uni­versity of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea. Pero dapat diretsong landas lang ang tahakin; bawal huminto, mag-zigzag, pumaikot, o mangisda. Pero nakatanod ang 275 na bangka ng China militia. Kaya prinotesta ito ni Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin.

Inaasinta ng China na agawin ang Sandy Cay. Ito ay bagong tubo na isla 5-nm mula Pag-asa. Dating tatlong sandbars na lubog sa tubig tuwing high tide, nabuo ang Sandy Cay mula sa ilegal na dredging ng China sa karatig na Zamora (Subi) Reef. Napuno ng pinulbong corals at naging permanenteng litaw sa tubig. Dahil nasa loob ito ng 12-nm territorial sea ng Pag-asa, sa Pilipinas din ang Sandy Cay.

Inaasam ng China ang Sandy Cay dahil isla na ito. Sa international law, maari rin itong magkaroon ng 12-nm na teri­toryong dagat. Simula 2013 kinonkreto ng China ang Zamora Reef, na anang UN Permanent Court of Arbitration nu’ng 2016 ay nasa teritoryong dagat din ng Pilipinas­. Ilegal din ang pag-agaw ng China sa Zamora. Dahil dating permanenteng lubog ito bago tayuan ng airstrip at base militar, insecure ang China sa “pag-aari” rito. Kung maagaw ng China ang islang Sandy Cay, sasabihin niya na may isla rin siya na may 12-nm territorial sea.

Pinalilibutan ng China ng militia vesels ang Pag-asa para hindi mapuntahan ng mga Pilipino ang Sandy Cay. Tuwing may lumalapit na bangka ng mangingisda roon, hina­harang ng armadong China coast guards. Ilegal din ‘yon dahil ginugulo nila ang mga sibilyan.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

CHINA FISHING TEDDY LOCSIN
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with