EDITORYAL - Tagumpay ang eleksiyon pero nag-iwan ng basura

EDITORYAL - Tagumpay ang eleksiyon pero nag-iwan ng basura

(Pilipino Star Ngayon) - May 15, 2019 - 12:00am

NAGING matagumpay at mapayapa sa kabuuan ang election noong Miyerkules. Bagama’t nagkaroon ng pagkaantala sa pagboto ang ilan dahil sa pumapalyang Vote Counting Machines (VCMs) at naatrasado rin ang pagbibilang, naisaayos naman kaagad. Naipamalas ng Commission on Election (Comelec) ang kanilang kakayahan sa tulong ng mga guro na naging abala sa maghapon at inabot pa ng gabi sa voting centers.

Ang tanging naiwang bakas ng katatapos na election ay ang tambak ng basura na makikita sa paligid ng mga eskuwelahan na ginamit na presinto o voting centers. Nakita na naman ang kawalan ng disiplina ng mamamayang bumoto sa pagtatapon ng kanilang basura.

Kahit may mga basurahan sa paligid ng eskuwelahan, sa kalsada pa rin itinapon ang mga supot na plastic ng palamig, tray ng siomai, fishball, kikiam at mga cup ng buko juice at plastic bottle ng mineral water. Nagmistulang malaking basurahan ang paligid ng school at maski sa loob mismo ay nagkalat din ang basura.

Lalo pang dumami ang basura nang mamigay ng mga polyetos o campaign list ang mga tauhan ng kandidato sa mga botanteng pumapasok sa school. Bawat botante ay inaabutan na may kasama pang pamaypay na karton, pero pagkatapos makaboto, itatapon na rin ito ng mga botante. Kaya lalong dumami ang basura sa paligid.

Tanong sa Comelec, sino ang maglilinis ng mga basura ng kandidato? Hindi ba maaaring obligahin ng Comelec ang mga kandidato na tumulong sa paglilinis lalo pa’t basura naman nila ang mga iyon. Sino rin ang magbabaklas ng mga tarpaulin, streamers at iba pang campaign materials na nakakabit sa pader, punongkahoy at mga kawad ng cable at telepono?

Maraming kandidato ang lumabag sa pagkakabit ng kanilang campaign materials. Kahit saan-saan na lang nagkabit ng campaign materials ang mga kandidato kahit nagbabala ang Comelec. Malamang hindi na makasuhan ang mga kandidatong lumabag sa regulasyon.

Sana ay magkusa na lang ang mga kandidato (lalo na ang mga nanalo) na tumulong sa paglilinis ng mga basura. Kapag hindi naalis o nalinis ang mga ba­sura, magdudulot ito nang pagbaha lalo’t malapit na ang tag-ulan.

2019 MIDTERM ELECTIONS VOTE COUNTING MACHINES
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with