Tuberculosis: Laganap sa Pilipinas
DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong (Pilipino Star Ngayon) - January 24, 2019 - 12:00am

ANG tuberculosis (TB) ay isang impeksyon sa baga na dulot ng TB bacteria. Ngunit puwede ring maapektuhan ang ibang parte ng katawan tulad ng bato, buto at utak. Ang TB bacteria ay makikita sa plema ng pasyente at makahahawa ito sa iba sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahing at pagdura.

Ang posibleng sintomas ng aktibong TB ay ang pag-ubo na may bahid ng plema o dugo. Puwede ring makaranas ng pamamayat, pagkapagod, lagnat sa hapon, pawisin sa gabi at walang gana sa pagkain.

Sa matatanda, ang chest x-ray ay madalas ipagawa para malaman kung may TB. Sa bata, ginagawan sila ng test sa balat o PPD test. Kapag positibo sa TB, may ipaiinom na mga gamot mula 6 hanggang 9 na buwan. Ito lang ang tanging paraan para gumaling.

Tingnan natin ang sitwasyon ng TB sa ating bansa:

1. Sa Pilipinas, may 73 Pilipino ang namamatay sa TB bawat araw. May tinatayang 200,000 hanggang 600,000 na Pilipino ang may aktibong TB o nakahahawang TB.

2. Ang TB ay sakit ng kahirapan. Sa buong mundo na may 196 bansa, numero 9 ang Pilipinas sa rami ng taong may TB.

3. Bawat taon, ang isang pasyenteng may aktibong TB ay makahahawa ng 10 ibang Pilipino. Kaya kapag hindi nagpagamot ang pasyenteng may TB, malamang ay mahawa rin ang mga kasama niya sa bahay, lalo na ang mga bata.

4. Maraming OFW workers ang kailangan ng chest x-ray bago makapag-trabaho sa ibang bansa. Kapag may lamat ng TB ang x-ray, hindi makapapasa sa medikal para maglakbay. Ayon sa pagsusuri, kapag ang mga pasyente ay nagamot na sa TB sa loob ng 6 na buwan, 30% sa kanila ay magkakaroon ng normal na chest x-ray (magandang balita). Ngunit 70% sa kanila ay may matitirang lamat pa rin sa chest x-ray kahit magaling na sila.

5. Ang BCG ay isang bakuna para sa TB na binibigay sa lahat ng sanggol. Ngunit hindi ito garantiya na hindi na magkakaroon ng TB ang bata. May tulong lamang ang BCG para hindi lumala ang TB.

6. May matinding TB bacteria ang nadiskubre. Ito ay ang Multiple Drug Resistant TB (MDR-TB) at Extensively Drug-Resistant TB (XDR-TB). Mahirap itong magamot. Nagkakaroon lang ng ganitong uri ng bacteria kapag hindi tinapos ng pasyente ang 6 na buwan na gamutan sa TB.

7. Sa tulong ng mga organisasyon tulad ng Global Fund at US AID, nakapagbibigay ang ating mga health centers ng libreng gamutan sa TB. Kung may kilala kayong may TB, hikayatin natin silang magpatingin sa health center para makakuha ng libre at tamang gamutan.

8. Kung gusto ninyong magpatingin sa pribadong doktor ay mainam din. Ang generic na gamot sa TB ay nagkakahalaga ng mga P30-40 bawat araw. Tandaan: Kailangan itong ipagpatuloy sa loob ng 6 o 9 na buwan depende sa pagsusuri ng iyong doktor.

TB BACTERIA TUBERCULOSIS
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with