Rapist si titser
IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - January 6, 2019 - 12:00am

(Unang bahagi)

SA mga kaso ng rape, madalas na taliwas sa testimonya ng biktima ang salaysay ng akusado. Nauuwi tuloy ang kaso sa kredibilidad ng sinasabi ng biktima at ng akusado. Sino nga kaya sa kanila ang nagsasabi ng totoo? Ano ang batas na sinusunod ng korte sa ganitong sitwasyon? Sasagutin ito sa kaso ni Elena.

Isang trese anyos na dalagita si Elena at estudyante sa first year sa unibersidad. Isa siya sa dalawang anak ni A at B. Si C ay isa sa mga titser niya na nagtuturo ng THE (Technology and Home Economics) mula 1:20 hanggang 2:40 ng hapon tuwing Lunes hanggang Biyernes. Inakusahan si C ng paggahasa kay Elena noong Martes ng hapon kasabwat ang isang kaklase niyang si D. Matapos arestuhin ay itinanggi ni C ang paratang at naghain ng “not guilty plea” sa arraignment samantalang nasa kustodiya naman ng kanyang guardian na si E at ng kanilang abogado si D na nagsampa rin ng petisyon sa DOJ (Department of Justice) para kuwestiyunin ang sinasabing pakikipagsabwatan.

Samantala, nagsampa ng petisyon para makapagpiyansa si C at pinagbigyan ito ng huwes na humawak sa kanyang kaso dahil daw hindi naman matibay ang ebidensiya na ginawa niya ang krimen. Matapos makapagpiyansa ay umusad ang kaso at ibang huwes ang nagpatuloy sa paglilitis.

Sa pagdinig ng kaso ay isinalang ng prosekusyon si Elena bilang nag-iisang testigo sa krimen. Ikinuwento niya ang mga detalye tungkol sa rape. Dahil daw sa trauma ay sinabi niya sa doktor na sumuri sa kanya na apat niyang kaklase ang gumahasa sa kanya. Ang mga pangalan daw na kanyang binanggit ay mismong sinabi lang sa kanya ni C habang pinagsasamantalahan siya. Matapos ang eksaminasyon ng doktor at malinawan ang kanyang pag-iisip ay bumalik na sa normal ang lahat kaya nakuha niyang aminin sa mga magulang na si C ang talagang rapist niya.

Isinalaysay ni Elena na Martes, bandang 2:35 ng hapon, matapos ang klase sa THE ay naglalakad na siya sa school quadrangle kasama ang kaklaseng si Eunice. Malapit na sila sa gate at pumunta lang sa telepono si Eunice para tumawag. Bumalik naman si Elena dahil may kukunin sa kanyang locker na nasa pasilyo ng administration building. Papunta roon ay nasalubong niya si Mary Grace na nag-alok sa kanya ng candy. Sinubo niya ang candy at agad na nakaramdam ng pagkahilo. Pumunta sila sa CR ng mga babae pero ginagawa pa ito. Doon pumasok sa CR si C (Baldoz) at inutusan si Mary Grace na magbantay sa pinto. Inutusan naman ni Baldoz si Elena na hubarin ang kanyang panty. Nang tumanggi ang dalagita ay sinikmuraan siya nito ng dalawang beses. Si Baldoz na ang sapilitang naghubad sa panty ni Elena sabay baba ng kanyang pantalon at walang awang pinagsamantalahan ang pobre. Tumingin siya kay Mary Grace para humingi ng saklolo pero nakatayo lang ang kaklase sa may pintuan. Huminto si Baldoz nang makitang may umaagos na dugo sa uniporme ni Elena. Pero tinakot siya na papatayin kapag nagsumbong sa mga pulis tungkol sa insidente.

(Itutuloy)

RAPE CASE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with