Bagong pag-asa
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - January 1, 2019 - 12:00am

MAHIRAP mang isipin, kaya ng tao mabuhay hanggang 70 araw na walang pagkain. Posible rin tumagal nang sampung araw na walang tubig. At kaya hanggang anim na minutong walang hangin. Pero may isang bagay na, kung wala, hindi tatagal ang tao -- ang pag-asa.

Pag-asa ang nagpapailaw sa lahat. ‘Yun ang nagpa­patatag sa mga naghihirap at naghihinagpis. Anang mga doktor, pag-asa ang gamot kontra depresyon at pagpapakamatay.

Hindi baleng maubos na lahat, huwag lang pag-asa. Nang yayao sa digmaan si Alexander the Great, niregaluhan niya ang mga kaibigan ng kung anu-ano. Binulu­ngan siya ng isang tauhan na wala na siyang matitirang ari-arian. Sagot niya, hindi bale, basta may pag-asa pa siya na maraming bagong masasakop na lugar.

Hanggang dulo ang pag-asa ni Socrates. Nang utusan siya ng korte na inumin ang lasong hemlock at nagpasya sumali ang mga estudyante niya, binulungan siya ng isa, “Maestro, mabubuhay ba tayo muli?” Sagot ni Socrates: “Sa palagay ko’y oo, kaso walang tao na maka­katiyak.”

Mabigat na taon ang lumipas. Gulo sa pulitika, mahal na bilihin, matinding karalitaan. Pero dalawa sa tatlong Pilipino ang nagsasabing mas gaganda ang buhay nila sa 2019. Bagong taon, bagong pag-asa.

Naikakalat ang pag-asa, nabatid ng rags-to-riches na milyonaryong Eugene Lang. Naimbita siya magsalita sa Grade 6 pupils sa East Harlem, New York City. Sa pagpili ng paksa, naisip niya kung paano mapapakinig ang mga batang Negro at Chicano na napabayaan ng lipunan. Binasura niya ang notes at nakiusap mula sa puso: “Tapusin niyo ang pag-aaral, at pangako kong tutustusan ko ang college tuition ng bawat isa sa inyo.”

Sa iglap na ‘yon, nagbago ang buhay ng 59 na bata. Sa unang beses sa buhay, nagka-pag-asa sila. Anang isa, “nagkaroon ako ng inaasahan, ng hinaharap, isang ginintuang pakiramdam.” Halos 90% sa kanila ang nagtapos ng high school at tumuloy sa kolehiyo.

(Unang nilimbag nu’ng 2007 pero angkop pa rin makalipas ang 12 taon.)

HOPE NEW YEAR
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with