Ginahasa ng sariling ama
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - December 11, 2018 - 12:00am

(Unang bahagi)

ISA ito sa mga pambihirang kaso ng rape dahil ang mismong tatay ang nanghalay sa sarili niyang anak. Kaya ang pinakamabigat na parusang puwedeng ihatol ng Korte ay parusang kamatayan. Pinag-uusapan din sa kasong ito ang kahinaan ng alibi at ang pagtanggi bilang depensa. Kailan nga ba tinatanggap at pinapaniwalaan na depensang alibi? Sasagutin ito sa kaso ni Lani.

Si Lani ay isa sa dalawang anak ng mag-asawang Gardo at Lucy. Matapos ang 15 taon ng pagsasama ay nag­hiwalay ang dalawa. Lumipat sa ibang probinsiya si Gardo para doon tumira at magtrabaho kasama ang anak na si Gani na kapatid ni Lani. Si Lucy at anak na si Lani naman ay nakitira sa nanay ni Lucy na si Marta at nagbibigay na lamang ng suporta si Gardo para sa pag-aaral ni Lani.

Nang magkasakit si Gardo at maospital, nadiskubre niyang dineklara na siyang patay ni Lucy at nakuha na nito ang lahat ng benepisyo na dapat makuha mula sa SSS. Kinasuhan ni Gardo si Lucy, dahil napatunayan na nagkasala, tuluyang nakulong si Lucy. Ang paliwanag ni Gardo sa mga anak na sina Lani at Gani, para raw sa kinabukasan nila ang kanyang ginawa. Umuwi si Gardo at pina-ngako na pag-aaralin ang mga anak sa siyudad. Pumayag ang dalawang anak pero si Gani lang muna ang nakapag-aral. Ayon kay Gardo, kulang pa ang perang padala ng pamangkin niya kaya hindi pa muna makakapag-aral si Lani. Pero ang totoo ay ginastos ni Gardo ang pera para sa sarili. Pagkatapos ay dinala ni Gardo si Lani sa probinsiya ng nanay niyang si Tanya. Doon tumira ang anak kasama ang mga pinsan na sina Danny at Dindong.

Isang beses, bandang ala-una ng madaling araw, natutulog si Lani sa isa sa mga kuwarto nang marinig ang paglangitngit ng pinto. Nakita niya si Gardo na pumasok sa kuwarto dala ang isang mahabang kutsilyo na panghiwa ng tabako. Tinutok ni Gardo ang kutsilyo sa tagiliran ni Lani at sa loob lang ng labinlimang minuto ay nagtagumpay na halayin ang mismong anak. Bago umalis ay tinakot pa nito si Lani na huwag magsusumbong sa lola at mga pinsan kung hindi ay siya daw mismo ang unang papatayin ng lalaki.    

Sa loob ng dalawang magkasunod na araw ay walang awang ginahasa ni Gardo ang anak. Pagkatapos magawa ang bawat panghahalay, tinatakot ni Gardo ang anak na huwag magsusumbong kahit kanino kung hindi ay papatayin daw siya nito.

Makalipas ang tatlong araw ay binigyan ng pera si Lani ng kanyang mga pinsan. Habang natutulog ang kanyang ama ay agad na tumakas si Lani at sumakay ng bus papunta sa kanyang Lola Marta. Umiiyak niyang ikinuwento sa lola ang masaklap na sinapit. Dinala siya sa kanyang nanay na si Lucy na agad naman siyang sinamahan sa mga pulis. (Itutuloy)

RAPE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with