Mag-ingat sa mga modusngayong Disyembre
BAHALA SI BITAG - Ben Tulfo (Pilipino Star Ngayon) - December 7, 2018 - 12:00am

DISYEMBRE na naman, siyempre matunog ang usapan ng Christmas bonus, 13th month pay at remittances mula sa mga kamag-anak na nagtatrabaho sa ibayong dagat.

Kaya naman ang mga kawatan, alerto’t maligalig! Tayong mga Pinoy kasi sa ganitong panahon, halos lahat ay nasa lansangan para sa holiday shopping at treats.

Eto ang hinihintay ng mga utak kriminal, kanya-kanya ng diskarte para makapanloko’t makapanlamang.

Sa huling tala ng Social Weather Stations (SWS), 1.4 milyon na pamilyang Pilipino o 6.1% ang nagsabing biktima sila ng krimen sa nakalipas na anim na buwan.

Mas mataas ito ng 0.7% kumpara sa 5.3% o 1.2 million­ na pamilyang nabiktima ng krimen sa pangalawang quarter­ ng taong ito.

Ilan sa mga nasabing krimen ay ang pickpocket, robbery, break-ins at carnapping.  Ito ang mga modus sa ilalim ng tinatawag na crime against property.

Sa huling quarter ng taong ito, inaasahan pa na mas tataas ang bilang na ito tulad sa mga nakalipas na taon. Kaya naman patuloy ang paalala ni Philippine National Police­ chief Dir. Gen. Oscar Albayalde sa publiko na maging­ mas maingat at mapagmatyag.

Sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga nabibiktima, lumalakas naman ang tiwala ng publiko sa mga otoridad. Tumataas ang kumpiyansa na ireport agad sa pulis ang mga krimeng ito.

Bagay na malaking tulong sa mga alagad ng batas na matukoy ang mga krimen sa lansangan maging ang mga nasa likod nito.

Eto pa, pamilyar ba kayo sa Dugo-Dugo at Budol-Budol? Marami na kaming naipalabas sa BITAG na aktuwal na aktibidades ng mga sindikato sa likod ng dalawang kila­lang modus na ‘to.

Sa modus na ito, target ng mga kawatan ang mayayamang pamilya na nakatira sa mga exclusive subdivisions. Tinawag na dugo-dugo dahil papalabasing naaksidente ang amo kaya kailangang ilabas ni Inday ang pera’t alahas sa bahay.

Ang kinakasangkapan nila, mga kasambahay na walang kaalam-alam. Sa isang tawag lang sa telepono, malalagas na ang pera’t alahas sa bahay ng kanilang target. Subalit kuwidaw ha, ang iba, kasabwat ng sindikato ang mismong kasambahay.

Pasok din sa listahan ang Budol-Budol. Gamit ang bundle ng mga pekeng pera at mabubulaklak na salita, mabilis na napapaniwala at naeengganyo ng mga kawatan ang kanilang biktima.

Linawin natin, hindi totoo ang hipnotismo sa budol-budol. Ang alas ng mga dorobo, interes ng kanilang prospect na kumita rin nang malaking pera kapalit ng mga materyales na kukulimbatin ng sindikato.

Kanya-kanyang grupo na magkakaiba ng estilo pero iisa ang motibo. ‘Yun ay ang makapanloko! Kaya bago pa kayo mabiktima at maglaho ang inyong mga kuwarta, mas mabuting alamin at pag-aralan ang estilo’t galaw ng mga kawatang ito.

Alamin ang iba pang modus operandi at ang mga tips kung paano ito maiiwasan. Bisitahin lang ang aming website na bitagmedia.com at i-click ang Modus Buster page.

13TH MONTH PAY CHRISTMAS BONUS
Philstar
  • Latest
Latest