Joint exploration: matuto sa ginawang pagtataksil
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - December 7, 2018 - 12:00am

ILAHAD lahat. Hiling ‘yan sa gobyerno sa joint exploration ng Pilipinas at China sa Recto Bank. Duda ang apat sa bawat limang Pinoy (84%) sa China. Inaangkin nito ang 200-milyang exclusive economic zone ng Pilipinas. At dati na itong nanlansi sa Joint Marine Seismic Undertaking.

Labag sa Konstitusyon ang JMSU ng dating presidente­ nu’ng 2004-2007. Pinayagan ang China na suyurin ang seabed ng Palawan, 12 milya mula pampang kaya sakop­ ng teritoryo ng Pilipinas, at ang karatig na Recto Bank sa loob ng EEZ. Inilihim sa publiko ang JMSU. Hindi ito mabu­­bunyag kundi nakuha ng Singapore ang papeles. Nagba­yad ang Malacañang ng $5-milyon nang walang pahintulot ng Kongreso. Pero walang nakuhang kopya ng resulta ang Pilipinas. Kasi hindi nakasali sa extension ng JMSU nu’ng 2008 ang Malacañang na noo’y binabatikos na.

Nu’ng 2009 sa United Nations inangkin ng Beijing ang buong South China Sea dahil sa umano’y historic rights. Tiyak nasilip nito sa pamamagitan ng JMSU ang yamang langis at gas sa Recto Bank. Noon pang dekada-’70-’80 minimina na ang Nido, Matinloc, Linapacan, Galoc, at Ba­la­bac fields ng Palawan. At alam nang may laman din ang kalapit na Sampaguita Field sa Recto Bank. Nagdispatsa ang Beijing ng barkong pandigma para paalisin ang mga Pilipino’t dayuhan na nagsusuri roon. Batay sa hungkag na mapa ng China, pati Malampaya gas field, kung saan galing ang kalahati ng power ng Luzon, ay pag-aari rin nito.

Kapalit ng JMSU binaha ng Beijing ng pautang ang Manila. Isa sa mga proyekto ang $783-milyon NorthRail, hindi nailatag pero binayaran ng mga Pilipino nang buo. Naroon din ang $330-milyon national broadband network, may nakapaloob na $200-milyon kickback. Ibinigay ang $10-milyon nu’n nang makipagpirmahan sa Boao sa ZTE Corp., pag-aari ng China. Isa rin ang ilegal na pagbigay sa ZTE International ng gold mining rights sa Mount Diwalwal, Compostela Valley.

Matuto sana ang bansa mula sa kataksilan na ‘yan.

JOINT EXPLORATION
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with