Minulto ng pinatay na misis
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - November 6, 2018 - 12:00am

SA ating batas, bago mahatulan para sa isang krimen, dapat muna itong mapatunayan ng walang pag-aalinla­ngan. Sa kaso ng pagpatay, ang pamantayan ng corpus delicti ay una, ang pagkamatay ng biktima o pagtukoy sa katawan ng bangkay at ang pangalawa ay ang dahilan o sanhi ng pagpatay. Ipinapaliwanag ito sa kaso ni Jordan pati na ang kredibilidad ng pag-amin sa isang kasalanan bilang katibayan ng ginawang krimen kahit pa pagkatapos itong bawiin. 

Kasal si Jordan kay Lara at nakatira sila sa isang kalapit na bayan. Paminsan-minsan ay nagugulo ang tahimik na buhay ng mag-asawa dahil sa pagseselos ni Jordan kay Geloy na pinaghihinalaan niyang may lihim na relasyon sa kanyang asawa. Pagkatapos ng mahigit sampung taon na pagsasama ay biglang nawalang parang bula si Lara. Huli siyang nakita noong hapon na papunta sa manukan nila Jordan para dalhan ang mister ng merienda. Nang sumunod na araw, nagtanong ang tatay ni Lara na si Kanor kay Jordan kung may alam siya kung nasaan ang asawa pero sinabi ni Jordan na wala siyang alam. Ini-report ni Kanor sa mga pulis ang pagkawala ng kanyang anak pero ayon sa hepe, nagreport si Jordan sa kanila na sumama sa ibang lalaki si Lara.

Makalipas ang dalawang taon, nagsumbong kay Kanor ang kanyang bayaw na si Bonoy tungkol sa pagmu­multo ng isang babae sa balon malapit sa bahay ni Jordan. Natabunan na ng lupa ang balon at nakatakip na kapirasong bubong. Pinakiusapan ni Kanor ang ilang taga-baryo na hukayin ang balon sa harap ng mayor, hepe ng pulis at isang kinatawan ng opisina ng piskalya bukod pa sa sarhento at ilang opisyales ng gobyerno. Nahukay ang isang kalansay na may suot na kuwintas na may palawit na “L”, may nakuha ring suwelas ng tsinelas, dalawang gintong pustiso, apat na ngiping ivory at isang mahabang bakal na tubo.

Ayon sa pagsusuri ng isang medico-legal, ang kalansay ay isang babae na may 25 hanggang 30 taon ang edad, mahigit 153 metro ang taas at sa tantiya nila ay dalawang taon na ito sa balon bago nahukay. Ang bungo, pang-apat, panglima at pang-anim na tadyang pati na ang kaliwang scapula ay may indikasyon na nasaktan at nagkaroon din ng pagdurugo ang bungo o intra-cranial hemorrhage na mula sa pagkakahampas ng isang matigas na bagay.

Sumunod na araw ay kinasuhan si Jordan para sa krimeng parricide matapos siyang umamin sa mga pulis at gumawa ng salaysay patungkol sa kanyang ginawa. Kinumpisal niya kung paano niya pinatay si Lara at inilibing sa loob ng balon. Kinilala rin niya ang mga gamit ng asawa na natagpuan kasama ng kalansay. Sumunod na araw ay detalyado niyang itinuro kung paano niya ginawa ang pagpatay pagkatapos ay muli siyang gumawa ng salaysay ng pagpapaliwanag sa una niyang pangungumpisal sa krimen.

Pagkatapos ng paglilitis ay idineklara ng korte na ginawa ni Jordan ang krimeng parricide at nahatulan ng habang buhay na pagkakulong. Umapela si Jordan at hiniling na baliktarin ang hatol sa dalawang kadahilanan: (1) hindi napatunayan na bangkay nga ni Lara ang nahukay sa balon, (2) kahit pa kalansay ng asawang si Lara ang nahukay ay hindi naman napatunayang walang pag-aalinlangan na ginawa niya ang krimen. Palusot pa ni Jordan ay gumawa lang siya ng sulat na inaamin ang krimen matapos siyang makaranas ng torture o pagpapahirap.

Ayon sa Supreme Court, walang kaduda-duda na base sa ebidensiya (extrinsic evidence) ay kalansay ni Lara ang nahukay. Tumestigo ang dentista ni Lara patungkol sa ikinabit niyang  dalawang gintong pustiso at apat na ivory na ngipin sa biktima na mismong natagpuan sa bungo. Sumang-ayon pa mismo si Jordan na ngipin nga ito ng kanyang asawa. Tumestigo rin ang tatay ni Lara patungkol sa kuwintas na may palawit na “L” at pati ang kinalabasan ng pagsusuri ng medico legal na isang babae na kaedad at kasing katawan ni Lara ang natagpuang kalansay. Idagdag pa na tumestigo ang drayber ni Jordan na si Anton tungkol sa nasaksihan niyang ginawang pagpatay ng amo sa asawa.

Ayon pa sa SC, ang salaysay ng pag-amin o confession ay walang bakas o pahiwatig ng kahina-hinalang sirkumstansiya. Puno ito ng mga detalye na ang pumatay lang ang nakakaalam. Malinaw din ang pagkakasalaysay at mukhang hindi ito ginawa ng isang taong tinakot o sumailalim sa pagpapahirap. Isa pa ay itinanggi ng mga pulis at mga tauhan ng piskalya na pinahirapan nila ang akusado at bagkus ay kusang loob niyang isinulat ang pag-amin. Magagamit din ang pagkakaiba ng una at pangalawang salaysay ni Jordan bilang katibayan na hindi siya pinilit na gawin ito. Kung talagang tinuruan siya ng mga pulis sa dapat na isulat ay hindi magkakamali ang mga ito sa ipapagawa sa kanya para walang maging pagdududa.

Ang testimonya ni Anton na piping saksi sa nangyaring pagpatay pati ang ginawa ni Jordan na reenactment o pagmuwestra sa kung paano niya pinatay ang asawa ang siyang nagdiin sa kanya. Hindi rin naman kapani-paniwala na pagkatapos pagtakpan ni Jordan ang krimen sa loob ng dalawang taon ay bigla lang siyang magkukumpisal dahil pinilit o pinuwersa. Hindi nakapagtataka na aamin sa lahat ang isang kriminal at ikukumpisal ang kanyang ginawa kapag biglang may nadiskubreng bangkay ng biktima na ilang taon niyang itinago. Sa isang magulong kunsensiya at sa harap ng ebidensiyang nagdidiin sa kanyang ginawa, ramdam ng isang akusado na wala na siyang takas at ang pag-amin na lang sa krimen ang kanyang tanging magagawa (People vs. Cruz, G.R. 47795, August 24, 1942).      

CRIME
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with