^

PSN Opinyon

‘Pasa-pasa, turu-turuan’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

ARAW-ARAW ka mang maghintay ng sasakyan sa lugar ninyo, subalit kung wala namang kalsada, kahit abutin ka ng pagputi ng uwak maghihintay ka sa wala.

“Isang taon na ako mahigit nakatengga. Yung anak ko natigil na sa pag-aaral. Hindi na rin ako makauwi ng Davao dahil nahihiya na ako,” wika ni Jocelyn.

Nag-apply ng trabaho bilang ‘beautician’ sa Saudi Arabia si Jo­celyn Llanos na tubong Davao del Sur.

Ika-22 ng Pebrero 2015 nang kunin ng isang Lourdes Baguio asawa ng kanyang kaibigan ang kanyang pasaporte. Isa daw ito sa nagre-recruit sa kanilang lugar papuntang ibang bansa.

Ipinadala raw nito sa Maynila sa tiyahin niya na nagpapaalis na si Elisa Madrelejos.

“Nung Abril 21, 2015 lumuwas kami papuntang Manila. Lima kaming galing sa Davao. Dun kami sa accommodation nina Elisa,” sabi ni Jocelyn.

Pagkalipas ng tatlong linggo kinukulit niya si Elisa tungkol sa kanilang pag-alis, pangako noon ni Lourdes ang pinakamatagal nilang pamamalagi sa Manila ay tatlong linggo at makakaalis na sila ng bansa.

Nakipagtalo si Jocelyn kina Elisa dahil nagmukha raw silang tanga. Naghintay silang magpirmahan ng kontrata ngunit wala namang pinapapirmahan sa kanila. Tinanong niya ito ng diretso kung may bayad ba ang kanilang pagtira dun.

“Hindi nga ako nagkamali. Sabi niya kahit saang accommodation daw may bayad lahat. Dun daw kami sa agency, siksikan at agawan daw dun sa banyo,” salaysay ni Jocelyn.

Nanghinayang si Jocelyn dahil kung nalaman niya lang ang ganitong kalakaran marami naman siyang kamag-anak na pwedeng matuluyan. Nagpahatid siya sa ahensya kay Erlinda Guimalon na kaibigan ni Elisa.

Hindi kinaya ni Jocelyn ang sitwasyon dun sa rami ng tao kaya’t nagpasya siyang umalis at pansamantalang makitira sa kanyang pinsan. Nagbilin na lang siyang tawagan siya o tatawag siya kung may kailangan ito sa kanya.

“Tawag ako ng tawag para itanong kelan ako makakaalis. Puro sagot nila hintay-hintay lang dahil matagal daw ang Overseas Employment Certificate (OEC). Madami pa silang dahilan kapag tinatawagan mo,” ayon kay Jocelyn.

Nobyembre 2015 may isinend daw sa kanyang amo si Erlinda na tiket sa WhatsApp, isang application sa cellphone na maaari kang mag-send ng file o picture. Nang tingnan nila ito wala namang nakalagay kung kelan ang petsa at oras flight niya.

“Naghintay pa rin ako. Nitong Abril nanghingi na naman siya ng I.D at NBI ko dahil napaso na raw yung ipinasa ko. Nakipagkita ako sa sekretarya niya. Kapag tinatawagan ko si Erlinda madalas hindi siya sumasagot,” pahayag ni Jocelyn.

Palagi na raw siyang tinatawagan ng amo niya sa Saudi dahil nabayaran na nito sina Erlinda. Malaki na rin daw ang nagagastos niya sa pag-follow up kina Erlinda. Sa load pa lang araw-araw para matawagan ang mga ito lugi na siya.

Pinanghawakan niya ang huling pangako nito na pagkatapos ng Ramadan ay makakalipad na siya. Natapos na ang Ramadan nakatengga pa din siya at nag-aabang ng pag-alis.

“Sinabihan niya akong magpunta sa ahensiya ng World Class at hanapin daw si Marie Cruz. Pagpunta ko dun matagal na raw umalis yung Marie sa kanila,” kwento ni Jocelyn.

Sinubukang tawagan ni Jocelyn si Erlinda ngunit hindi ito sumasagot. Ang asawa na lang nito ang kanyang kinausap. Sinabihan siyang ipagtanong daw si Marie dahil malaking pera raw ang nakuha nito sa kanila.

“Sinagot ko sila na wala akong pakialam, ang pinakagusto kong makuha ay yung pasaporte ko sa kanila,” wika ni Jocelyn.

Nakausap din ni Jocelyn ang kanyang amo sa Saudi at sinabi sa kanyang dapat maibalik sa kanya ang perang ibinayad nila kina Erlinda dahil hindi naman nakaalis si Jocelyn.

“Hindi naman ito ang unang beses kong pag-alis. Nagkandautang-utang ako sa Davao para lang dito. Pati pag-aaral ng anak ko sa kolehiyo nahinto,” ayon kay Jocelyn.

Sa pagkakaalam niya pa ay umabot ng 14,000 Riyals o may katumbas na Php150,000 ang naibayad ng dapat sanay magiging employer ni Jocelyn sa mga ito.

Mag-iisang taon at tatlong buwan nang naghihintay si Jocelyn na mapaalis nina Erlinda. Hindi na raw siya sinasagot ng mga ito at kung sumagot man kung anu-anong dahilan lang ang sinasabi sa kanya.

“Sana matulungan niyo akong mabawi ang pasaporte ko at maayos ang pag-alis ko ng bansa. Pati ibinayad ng amo ko dapat maibalik nila,” sabi ni Jocelyn.

Tanong pa niya, maaari niya bang singilin sina Erlinda sa mga panahong hindi siya nakapagtrabaho dahil sa kapabayaan ng mga ito.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, upang maging patas kami sa magkabilang panig at sa mga nabanggit na pangalan.

Una naming tinawagan si Elisa na pinadalhan daw ng pasaporte ni Jocelyn. Ayon sa kanya nasa ahensya na daw ang pasaporte nito. Mula nang umalis daw ito sa kanya ay hindi na sila nagkakausap.

Si Erlinda naman ang aming kinausap, sinisisi nito si Marie sa hindi pagkakaalis ni Jocelyn dahil kinuha nito ang pera sa kanila. Ito daw ang naging problema dahil niloko sila kaya hindi nila maasikaso ang pag-alis ni Jocelyn. Nagsampa na daw sila ng kasong Estafa laban dito. Hindi daw kasi napapaaprubahan ni Marie ang ‘job order’. Ilang ulit na din daw silang nakakuha ng OEC ngunit napapaso lang.

Nang ipaalam namin kay Jocelyn ang sinagot sa amin nina Erlinda mariin niyang iginiit na hindi niya kilala itong binabanggit na Marie.

Nararapat lang na si Erlinda ang umayos ng gusot na kanyang sinimulan dahil unang-una siya ang kausap ni Jocelyn tungkol sa kanyang pag-alis. Ang pasaporte ay hindi dapat pinanghahawakan ng sinuman dahil ito’y prebilehiyong ibinibigay sa atin ng gobyerno.

Dapat pumunta siya sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para patawag si Erlinda at magkaroon ng imbestigasyon para kung sino ang dapat kasuhan ng Estafa at kung kanina talaga nandoon ang pasaport. Magtungo din siya sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kay Administrator Hans Cacdac upang maipatawag ang World Class.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with