EDITORYAL - Matatahimik lamang kapag wala nang ‘pork’

NAGKAGIYERA sa Zamboanga, nagkaroon ng mga pagbaha, nagkaroon ng mga pagsabog, paglubog ng barko at kung anu-ano pang kagu­lu-han, pero ang isyu sa pork barrel ay hindi matabunan. Ilang buwan na ang nakalipas mula nang umalingasaw ang PDAF na naibulsa ng mga mambabatas sa pa­mamagitan ng mga pekeng non-government orga­nizations (NGOs) ni Janet Lim Napoles, pero ito pa rin ang mainit at tila hindi na mawawala sa isipan ng mamamayan. Nasa P10-bilyon ang umano’y naibulsa ni Napoles at sa dami ng pera, hindi na magkasya sa kama kaya sa bathtub na lang inilalagay. Tatlong senador, 20 mambabatas at iba pang indibidwal kasama si Napoles ang sinampahan na ng kaso sa Ombudsman. Sinampahan na rin ng kaso ang mga opisyal ng Department of Agrarian Reform (DAR) dahil sa maanomalyang Malampaya fund kung saan sangkot din si Napoles na nakapagbulsa umano ng P900 milyon.

Pero sa kabila ng mga hakbang na ito, hindi pa rin matahimik ang mamamayan at lalo lamang nang­gigigil sa isyu ng pork barrel. Hindi sila na­sisiyahan sa mga aksiyon ng pamahalaan kaugnay sa pork barrel. Wala silang madama kahit pa sinabi noon ni President Aquino na wala nang PDAF. Sa pa­kiwari nang mamamayan, pinaiikot-ikot lamang sila.

Lalo namang nagngitngit ang mamamayan nang biglang lumutang ang Disbursement Acceleration Program (DAP) kung saan ay nanggaling dito ang P50 milyon na pinamudmod sa mga senador makaraang ma-convict si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona. Si Sen. Jinggoy Estrada ang unang nagpasabog ng pinamigay na P50 milyon. Maski si Jinggoy ay nakatanggap din subalit hindi niya na­banggit na galing iyon sa DAP. Ang Malacañang ang nag­kumpirma na galing ang pinamigay na pera sa DAP. Pero hindi raw iyon suhol.

Sunod-sunod ang ginawang protesta para bu­wa­gin ang pork barrel. Tatlong rally o “million people march” na ang ginawa. At umano’y meron na namang ikinakasa. Hindi raw titigil hangga’t hindi inaalis ang lahat nang pork. Nagmungkahi naman si dating SC Chief Justice Reynato Puno ng “People’s Congress” sa pamamagtan ng initiative para labanan ang anu­mang pork.

Ang mamamayan ang kikilos para sa kina­po­pootang pork. Dapat magkaisa laban sa pork.

Show comments