MV Super Shuttle Ferry 9, sinuspinde

MANILA, Philippines — Naramdaman na ang mahigpit na pagpapatupad ni Maritime Industry Authority (Marina) Officer-in-Charge (OIC) Administrator Markus Lacanilao nang ipag-utos na suspendihin ang Passenger Ship Safety Certificate (PSSC) ng MV Super Shuttle Ferry 9 matapos itong mawalan ng steering control sa Misamis Oriental noong Huwebes, Nobyembre 27.

Ang super ferry na pag-aari ng Asian Marine Transport Corporation, sakay ang 110 pasahero at 18 rolling cargo patungong Port of Benoni, Camiguin ay umalis sa Port of Balingoan alas 2:00 ng hapon at dakong alas-2:32 nang makaranas ng steering failure, at itinabi sa sister ship ship na MV Super Shuttle Ferry 24 para sa towing.

Humingi ang Marina ng tulong sa Philippine Coast Guard (PCG) sa pagpapatupad ng suspensyon, alinsunod sa Republic Act 9295 o Domestic Shipping Development Act of 2004, para hindi muna makapagbiyahe hangga’t hindi pa naayos at kailangang dumaan sa masusing reinspection at evaluation.

Isinasagawa rin ng Marina ang comprehensive investigation upang matukoy ang sanhi ng insidente at kung may nilabag na safety regulations.

Show comments