Lalaki, arestado sa ‘rape palit P200’

MANILA, Philippines — Sinampahan ng kasong statutory rape ng Manila Police District (MPD) ang isang 50-anyos na lalaki na itinurong nanggahasa sa isang menor-de-edad na babae kapalit ng P200 na bayad, kamakailan sa Tondo, Maynila.

Nakaditine na sa piitan ng Baseco Police Station ang suspek na si Bobby Arellana, residente ng Duhat Street, Brgy. 118 Zone 9, Baseco Compound sa Tondo.

Nabatid na unang dumulog sa pulisya ang 12-anyos na babae at inireklamo si Arellana ng panggagahasa. Isinalaysay ng biktima na ibinugaw umano siya ng kapitbahay na si “Ate Beth” at sapilitan siyang kinatalik ng suspek kapalit ng P200 na bayad. Tinangka umano niyang manlaban sa lalaki ngunit sinasaktan siya nang paghahampasin siya sa ulo ng cellphone.

Dinakip ng mga pulis ang suspek sa kaniyang bahay nitong Enero 25. Sa loob ng presinto, idinipensa ni Arellana na karelasyon umano niya ang dalagita at nagsasama sila ng halos tatlong buwan na.

Itinanggi naman ito ng biktima at iginiit na tinakot siya ng suspek na gagawan ng masama kapag nagsumbong. Ikinulong din umano siya sa loob ng kaniyang bahay pero nakalingat ang suspek kaya siya nakatakas at nakapagsuplong sa mga pulis.

Show comments