10 sasakyan na natangay sa car loan scam, nabawi ng HPG

Kasama ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), iprinisinta ni HPG Director P/BGen Allan Nazarro, ang mga sasakyan ay natunton sa iba’t-ibang lugar sa Region 3 at Metro Manila.
STAR / File

MANILA, Philippines — Nasa 10 sasakyan na natangay ng sindikato na nasa likod ng  car loan scam na nambiktima sa mga guro ang narekober ng PNP-Highway Patrol Group (HPG).

Kasama ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), iprinisinta ni HPG Director P/BGen Allan Nazarro, ang mga sasakyan ay natunton sa iba’t-ibang lugar sa Region 3 at Metro Manila.

Mahigit 60 reklamo tungkol sa car loan scam ang natanggap ng HPG at PAOCC, kung saan karamihan sa mga biktima ay mga guro sa Pampanga, Bataan, Bulacan, Zambales at Metro Manila.

Wala namang naaresto sa operasyon. Sa ilalim ng car loan scam, hihikayatin ng sindikato ang mga guro na mag-car loan sa banko para ipang-negos­yo.

Makalipas ang ­ilang buwan, kukunin ng sindikato ang kotse kapalit ng pagtutuloy ng hulog at pangako sa guro ng buwanang kita mula sa pagpapa-arkila ng sasakyan.

Pasasakayin ng sindikato ang mga guro sa kitang ibibigay hanggang sa maglalaho na ang mga ito at mga guro na ang hahabulin ng bangko habang tanggay ng sindikato ang inutang nilang sasakyan.

Sinabi naman ni PAOCC Chief Usec. Gilbert Cruz, iniimbestigahan pa rin nila ang kutsabahan ng sindikato sa car dealers dahil sa bilis ng pagproseso ng mga dokumento ng guro sa pagkuha ng kotse.

Show comments