‘Tirador ng kable, kalaboso

MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang lalaki nang maaktuhan ng mga pulis habang mistulang ‘Spiderman’ na nakaakyat sa poste at nagpuputol ng kable ng telepono sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD)-La Loma Police Station (PS 1) commander LtCol Romil Avenido ang naarestong suspek na si John Peñaranda, 35, at residente ng Blumentritt, Sta. Cruz, Maynila.

Batay sa ulat, dakong alas-11:00 ng gabi nang maaresto ang suspek sa Banawe St., kanto ng Sta. Catalina St., Brgy. Siena, Quezon City.

Kasalukuyan umanong nagpapatrulya ang mga tauhan ng PS-1 nang mapuna ang suspek habang aktong nagpuputol ng telecommunication cable wires.

Kaagad na sinita at pinababa ng mga pulis ang suspek mula sa poste ng telepono at inaresto.

Narekober mula sa suspek ang Copper Cable Wire FSF 300 pairs x 0.6 Gauge x 14 meters na nagkakahalaga ng P18,916 at isang lagareng bakal.

Ang suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10515 o The Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013.

Show comments