P5 milyong hingi sa isang bidder ng body cameras para sa PNP 3 police major sinibak sa ‘kotong’
MANILA, Philippines — Tatlong opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang nahaharap sa summary dismissal sa serbisyo kaugnay sa umano’y pangongotong ng P5 milyon sa bidder ng body cameras na gagamitin sa drug war.
Ayon kay PNP Officer in Charge Lt. Gen. Archie Gamboa, ipinag-utos na rin niya ang pagsibak sa puwesto kina Maj. Emerson Sales at Maj. Rholly Caraggayan na nasa absent without official leave (AWOL) status at Maj. Angel Beros na aktibo sa serbisyo mula sa technical working group ng Bids and Awards Committee (BAC) habang sumasailalim sila sa administrative proceedings.
Sinabi pa ni Gamboa na nadiskubre niya bilang chairman ng BAC na tatlo sa kanyang tauhan sa technical working group ay humihingi ng pera mula sa proponent kaya nangako siya sa kanyang mga mi-yembro na ipapasibak niya ang tatlong police major kasabay ng pagsasailalim sa administrative proceedings.
Ang ilegal na aktibidad ng tatlong opisyal ay ibinunyag ng isang natalong bidder para sa pagbili ng body cameras gagamitin sa drug operation ng ahensya.
Noong 2018 ay naglaan ng P334 milyon para sa pagbili ng body cameras, subalit ngayon ay wala pang bidder na napipili ang PNP para sa pagbili ng body camera.
Nilinaw naman ni Gamboa na mayroong anim na suppliers ang sumasailalim sa post-qualification process para mameet lahat ng requirements.
- Latest