Opisyal ng BuCor, patay sa ambush

Dead-on-arrival sa Muntinlupa City Medical Center ang biktimang si Chief Inspector Angelito Padilla.
Joven Cagande

MANILA, Philippines — Patay ang isang opisyal ng Bureau of Correction (BuCor) matapos itong tambangan ng riding-in-tandem, kamakalawa ng hapon sa Muntinlupa City.

Dead-on-arrival sa  Muntinlupa City  Medical Center ang biktimang si Chief Inspector Angelito Padilla.

Ayon sa report na natanggap ni Sr. Supt. Eliseo Cruz,  director ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente dakong alas-3:10 ng hapon, malapit sa isang palengke sa Katihan St., Brgy. Poblacion, Muntinlupa City.

Minamaneho ni Padilla ang kanyang kulay pulang Nissan Sentra kung saan pagsapit nito sa nabanggit na lugar ay biglang sumulpot ang isang motorsiklong walang plaka lulan  ang mga suspect na nakasuot ng helmet.

Agad na pinaulanan ng bala ng mga suspect ang sasakyan  ni Padilla at pagkatapos  ay mabilis na nagsitakas.

Kaagad namang isinugod ng mga bystanders sa nasabing pagamutan ang biktima na kung saan hindi ito umabot pang buhay.

Patuloy naman ang isinasagawang malalimang imbestigasyon para mabatid ang motibo sa krimen at kung sino ang posibleng may gawa nito.

Show comments