Lider ng gang, 1 pa timbog sa P2.4-M shabu
MANILA, Philippines — Arestado ang No.1 most wanted criminal ng Quezon City Police District Station 4 na itinuturong lider ng isang criminal gang na sangkot sa operasyon ng iligal na droga at ‘gun-for-hire’ at ang isa niyang kasamahan matapos silang masakote at makumpiskahan ng nasa mahigit P2-milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation laban sa kanila, kahapon ng mada-ling araw sa Caloocan City.
Kinilala ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) director, Chief Supt. Guillermo Eleazar ang mga nadakip na sina Rolando Arnaiz, alyas “Lang-Lang”, at sinasabing lider ng Roban Valenzuela Lang-Lang Arnaiz Criminal Gang, at David Montalbo, alyas “Dave”.
Sa ulat, alas-12:15 ng madaling araw nang isinagawa ang operasyon laban sa mga suspek sa Brgy. Sta. Quiteria, Caloocan.
Matapos na makabili ang pulis na nagpanggap na bu-yer ng 100 gramo ng shabu mula sa mga suspek ay dito na sila agad inaresto ng mga otoridad.
Bukod sa 100 gramo, nakumpiska pa ng mga pulis ang 250 gramo ng shabu sa mga suspek. Tinatayang nagkakahalaga ng P2.4 milyon ang kabuuang halaga ng naturang nakumpiskang droga.
Bukod dito, nakumpiska rin ng mga otoridad sa mga suspek ang dalawang kalibre .45 baril, isang dark gray na kotseng Mazda (ZHT 933) at boodle money na nagkakahalaga ng P680,000 na ginamit sa buy-bust.
Nabatid din na nahaharap si Arnaiz sa ‘standing warrant of arrest’ para sa kasong Murder sa Quezon City Regional Trial Court Branch 85.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunitions ang mga naarestong suspek.
- Latest