^

Metro

Disiplina sa lansangan, lunas sa trapik

Danilo Garcia - Pilipino Star Ngayon
Disiplina sa lansangan, lunas sa trapik

Ang walang katapusang kalbaryo ng mga motorista sanhi ng matinding trapik sa Edsa.

MANILA, Philippines — Tumataginting na P3.5 bilyon kada araw ang nawawalang kita ng Pilipinas dahil sa malubhang problema sa trapiko, ayon sa pinakabagong pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Nakapanlulumo ngunit ito ang katotohanan.

Resulta ito ng labis na bilang ng mga sasakyan, mga kolorum, illegal parking, illegal terminal, sidewalk vendors, jaywalkers, pedicab at tricycle sa mga highway, kamoteng mga motorcycle riders at aroganteng mga tsuper.  Samakatwid, kawalan ng disiplina ang pangunahing problema ng bansa sa mga lansangan.

Kaya naman noong Agosto 2016, itinatag ang Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT) sa pangunguna ni Department of Transportation Secretary Arturo Tugade upang pagsanibin ang lahat ng ‘law enforcement agencies’ na may kaugnayan sa pagmamando sa trapiko. Kabilang dito ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), PNP-Highway Patrol Group, Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Binuo ang i-ACT upang mas mabisang makatugon sa problema ng trapiko sa bansa habang hinihintay ang hinihiling na ‘special power’ sa trapiko ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte buhat sa Senado.

Tututok ito sa limang “E” ng traffic management: ang enforcement, education, environment, engineering at economics.

Nitong Setyembre 2017, muling inilunsad ang i-ACT at isinama na sa grupo ang Armed Forces of the Philippines (AFP), mga lokal na pamahalaan sa pama­magitan ng Metro Manila Council at ang Liga ng mga Barangay.  Nakikita kasi ng pamahalaan na mas magiging epektibo ang paglaban sa mga pasaway kung may kooperasyon ng mga lokal na opisyal lalo na ang mga barangay chairman na siyang nakakakita sa sitwasyon sa kanilang nasasakupan.

Inilunsad din ang Task Force Alamid, ang ‘operating arm’ ng i-ACT na lumibot hindi lang sa Metro Manila ngunit maging sa mga kanugnog na mga lalawigan ng Rizal, Cavite, Bulacan at Laguna.  Sa magkakasunod na operasyon, dito lumantad ang mapait na katotohanan sa umiiral na bulok na sistema na mismong mga opisyal ng barangay ang kumukun­sinti sa mga iligal na terminal, sidewalk vendors, mga establisyimentong kumain na sa bangketa at kalsada at illegal parking.  Tunay na nanuot na sa kalamnan ng lipunan ang problema sa lansangan.

Sa kabila nito, nagpatuloy ang sunud-sunod na operasyon ng TF Alamid.  Nitong Enero 2018, inilunsad ang “Tanggal Bulok, Tanggal Usok campaign” ng i-ACT na layong linisin ang mga kalsada sa mga kakarag-karag na sasakyan na panganib sa kaligtasan at kalusugan ng publiko.  Kung nasaan ang TF Alamid, tila nawawala naman sa kalsada ang mga pampasaherong jeep at mga UV Express na mu­ling lilitaw lamang kapag wala na sa kalsada ang tropa ng pamahalaan.

 Mula nang ilunsad ang Tanggal Usok, Tanggal Bulok campaign, nasa 1,904 na ang nahuhuli ng TF Alamid sa mga lansangan. Nasa 1,499 ang natikitan dahil sa mga depektibong parte ng sasakyan, 107 sasakyan ang na-impound dahil sa pagiging kolorum, illegal parking at iba pa; habang 297 ang naisyuhan ng ‘subpoena’ dahil sa pagiging bulok ng mga behikulo.

Masakit sa bulsa ang multa kapag nahuli sa mga bayolasyon. Ipinatutupad ng i-ACT ang Joint Administrative Order ng DOTr sa multa sa batas trapiko. Ang isang jeep na kolorum ay pinagmumulta ng P50,000; P200,000 sa mga van at napakataas na P1 milyon sa bus.  Ginawa ito upang madala ang sinuman na mahuhuli na namamasada nang walang kaukulang prangkisa buhat sa LTFRB.

Masakit pa rito, ilan sa mga nahuhuli na na­ngongolorum ay tauhan ng pulisya, ng pamahalaan, o kaanak na nais laktawan ang batas para sa sinasabi nilang “pag­hahanapbuhay.”

“Ang problema po ng traffic ay hindi lang po problema ng gobyerno.  Problema rin po nating lahat.  Kaya ang solus­yun, hindi lang po mang­gagaling sa gobyerno kundi manggagaling din sa lahat,” paalaala ni Tugade.

Sa kabila ng masigasig na operasyon ng i-ACT, nananatili ang problema sa trapiko.  Sa bawat operasyon, tumataas ang emosyon, nagkakaroon ng sakitan, nagkakaroon ng demandahan.  Ngunit parte ito ng proseso ng pagsagupa sa napakalaking problema na hindi namalayan ng pamahalaan ay mistulang tinanggap na sa kamalayan ng mga Pilipino na isang normal na kalagayan.  Ang problema ng lamangan, ang kultura ng kawalang respeto sa kapwa at pagtingin sa sarili lamang.  Sa huli, disiplina pa rin ang solusyon sa problemang ito.

“Solving traffic problems requires not just one solution but a basket of solutions. Transport infrastructure is one thing. These, coupled with citizen cooperation, will help address the issue,” diin ni Tugade.

vuukle comment

PSN32ANNIV2018

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with