2 kelot sugatan sa pananaksak

MANILA, Philippines – Ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang isang 15 anyos na binatilyo matapos saksakin sa tiyan ng isang umano’y ‘siga’, sa  Parola Compound, Port Area, May­nila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Sonny Ginay, ng Gate 14, Parola Com­pound, Port Area, Maynila habang tuma­kas naman ang suspek na kilala lamang sa lu­gar sa alyas na “Ivan”, nasa hustong gulang at residente ng Parola Compound.

Sa ulat ni  P/Supt. Nicolas Piñon, hepe ng Manila Police District-Station 2, dakong alas-9:00 ng gabi nang maganap ang insi­dente sa Gate 13, Parola Compound, Port Area.

Nakatayo lamang uma­no ang biktima sa harap ng kaniyang bahay nang biglang unda­yan ng saksak ng suspek sa kaliwang bahagi ng tiyan.

Sasampahan ng ka­song frustrated­ murder at Child Abuse ang suspek na pinaghaha­nap na ng mga awtoridad.

Samantala, isang 32-anyos na lalaki ang pinagsasaksak din sa ulo, balikat at braso ng isang mister na nagalit nang abutang tinad­yakan ang kaniyang mi­sis na buntis, sa loob ng kanilang bahay, sa Oroquieta St., Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng umaga.

Nakaratay pa sa Jose Reyes Memo­rial Medical Center (JRMMC) ang bik­timang si Ace Ocampo, ng Oroquieta St. Sta. Cruz, Maynila.

Hindi na nakatakas ang suspek na kinila­lang si Joven Iringan, 34, dahil sa pagresponde ng mga barangay tanod at pulis.

Sa ulat mula sa MPD-Station 3, dakong alas-9:00 ng umaga sa loob ng barung-barong ng suspek na nasa pa­gitan ng terminal ng Phi­lippine Rabbit Terminal at terminal ng Genesis Bus Transit.

Dumating umano ang suspek sa kaniyang barung-barong na narinig ang pagtatalo ng kaniyang misis at biktima na napag-alamang tinadyakan pa ang babae na 3 buwan nang buntis.

Nagdilim ang pani­ngin ng suspek at kinuha ang kaniyang patalim at walang habas na sinaksak ang biktima.

Show comments