Parak tinarakan ng sinitang trike driver

MANILA, Philippines – Malubha ang kondisyon ng isang pulis makaraang saksakin ng tricycle driver na sinita nito, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Isinugod sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si PO1  Alvin Dela Cruz, 28, nakatalaga sa District Public Safety Battalion ng Northern Police District at residente ng Sampaguita Street, Brgy. Marulas, Valenzuela City.

Arestado naman ang suspek na nakilalang si Marlon Eugenio, 30, ng  4th Avenue West, Brgy. 51, Caloocan City.

Sa inisyal na ulat, sinita ng pulis na si Dela Cruz na bahagi ng police visibility ng NPD si Eugenio sa hindi pa mabatid na violation  dakong alas- 11 ng gabi sa tapat ng isang convenience store sa kanto ng 4th Avenue West at P. Sevilla Street sa Brgy. 151.

Nagresulta ito ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa hanggang sa bumunot ng patalim ang suspek at undayan ng saksak ang pulis bago tumakas lulan ng kanyang tricycle.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct 2 at matagumpay na nadakip ang suspek.

Nahaharap ngayon si Eugenio sa kasong frustrated homicide sa piskalya.

 

Show comments