1 buwang sanggol todas sa pinadedeng tubig

MANILA, Philippines - Patay ang isang  buwang gulang na sanggol  matapos na mabulunan sa ipinadedeng tubig  habang ang ama nito’y mahimbing na natutulog, kahapon ng tanghali  sa  Tondo, Manila.

Hindi na naisalba pa  ng mga manggagamot ng Tondo Ge­neral, Hospital, ang beybi na si  Regine Ramirez,  ng   Lico St. Tondo, habang isinasailalim naman sa interogasyon ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section  ang ama ng sanggol na nakilalang si Rogin, 36.

Batay sa ulat ni SPO2 Donald Panaligan, may hawak ng kaso, bandang  alas-11:15 ng tanghali, nang makita ng ama ang kanyang anak na wala ng malay. Kaagad umano niya itong isinugod sa pagamutan pero hindi na umabot ng buhay.

Nalaman na wala umano sa bahay ang ina ng batang si Janet dahil naghahanap umano ng mahihiram na pera panggatas ng biktima.

Ayon kay Rogin dahil sa walang gatas ipinasya niyang  padedehin muna ng  tubig ang  sanggol hanggang sa maka­tulugan niya ito.

Mahigit isang oras na ang nakakalipas nang maalimpungatan si Rogin at dito na niya nakita ang kanyang anak na hindi na gumagalaw.

Isinailalim sa awtopsiya ang  bangkay ng sanggol upang  malaman ang  tunay na sanhi ng kamatayan nito.

Show comments