Guro bulagta sa tandem

Isang babaeng public school teacher makaraang pagbabarilin ng riding- in-tandem

MANILA, Philippines - Utas ang isang babaeng public school teacher makaraang pagbabarilin ng riding- in-tandem sa Brgy. Commonwealth sa lungsod Quezon,  kahapon.

Sa inisyal na impormas­yong ibinigay ni Senior Supt. Maricar Taqueban, hepe ng Public Information Office ng Quezon City Police District (QCPD), nakilala ang nasawi na si Cheryl Bonifacio, 35, guro sa Commonwealth Elem. School.

Agad namang tumakas ang mga salarin na pawang nakasuot ng jacket at helmet sakay ng isang motorsiklo na hindi naman naplakahan.

Sa inisyal na ulat, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Tabigo St., ng nasabing barangay, ganap na alas-11:30 ng umaga.

Naglalakad umano ang biktima sa lugar kasama ang dalawang co-teachers galing ng paaralan nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo sakay ang mga suspect at pinagbabaril ang una.

Ayon sa mga co-teachers­ ng biktima, mabilis ang pangyayari dahil bigla na lamang may pumutok hanggang sa makita nila ang bik­tima na duguang humandusay.

Agad namang tumakas ang mga suspect matapos isinagawa ang krimen.

Sa kasalukuyan, pa­tuloy ang imbestigasyon ng awtoridad upang matukoy ang tunay­ na motibo ng pamamaril sa biktima.

Show comments