Van hulog sa flyover, driver sugatan

MANILA, Philippines - Sugatan ang isang driver na nagpakilala umanong pulis na nakatalaga sa Camp Crame matapos mahulog ang minamaneho nitong van sa isang flyover sa Pasay City, kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Christopher Mabao, na nagtamo lamang ng galos sa katawan kung kaya’t hindi na ito nagtagal sa ospital.

Sa inisyal na report ng Pasay City Police Traffic Bureau, naganap ang insidente pasado alas-4:00 ng umaga sa flyover ng Roxas Boulevard ng naturang lungsod.

Nabatid, na galing ang biktima sa isang Christmas party at pauwi na sa Cavite.

Nabatid na nag-alangang dumaan ang biktima sa naturang flyover dahilan upang bumangga ito sa poste ng signal light, dahilan upang tumagilid hanggang sa mahulog ito sa South bound lane  ng Service Road ng Roxas Boulevard.

Dinala naman ang biktima sa pinakamalapit na ospital, subalit kaagad din itong lumabas dahil galos lamang ang tinamo nito sa katawan. Halos isang oras bago natanggal ang minama­neho nitong van na nagdulot sa masikip na daloy ng trapiko sa naturang lugar. (Lordeth Bonilla)

Show comments