Lady trader, binoga sa ulo

MANILA, Philippines - Utas ang isang negos­yanteng ginang makaraang malapitang barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang salarin habang ang biktima ay nakaupo sa harap ng KTV bar sa San Juan City, kahapon ng madaling-araw.

Ang biktima ay kinilalang si Maria-Luz Ortoyu, 33, tubong Genaral Santos City at nakatira sa  Brgy. Kabayan, San Juan City.

Sa imbestigasyon ni PO3 Johnny Raga ng San Juan PNP, nabatid na ang pamamaril sa biktima ay naganap dakong alas-2:30 ng madaling araw sa harap ng Lady Boss KTV bar  sa F. Blumentrit St., sa lungsod.

Ayon sa report, kasa­lukuyang nakaupo at nagpapahangin ang biktima sa harap ng KTV bar ng du­mating ang isang hindi pa nakikilalang salarin na nagkun­waring bibili ng sigarilyo. Pagkalapit ng suspek sa biktima ay agad na bumunot ng hindi pa batid na kalibre ng  baril at malapitang pina­putukan sa ulo ang negosyante.

Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspek sakay ng isang kulay silver­ na kotse na hindi nakuha ang plaka. Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng San Juan police at lahat ng anggulo ay kanilang sinisilip sa posibleng motibo ng krimen.

Show comments