71-anyos lolo utas sa sunog

MANILA, Philippines - Patay ang 71-anyos na lolo matapos makulong sa nasusunog nilang bahay sa Barangay San Martin de Porres, Quezon City kahapon.

Sa ulat na nakarating kay F/Supt. Jesus Fer­nandez, kinilala ang biktima na si Jose Marciles ng nasabing barangay.

Sa inisyal na impormasyon ni Fernandez, nagsimulang kumalat ang sunog sa bahay ng pamilya Marciles sa Irid Street sa nasabing barangay bandang alas-12:55 ng tanghali.

Napag-alamang nag­luluto ang biktima sa kusina nang biglang nagliyab at lumaki ito ang kalan kung saan kaagad na kumalat ang apoy sa kalapit na dalawang bahay.

Hindi na nagawang makalabas ng biktima hanggang sa tuluyang makulong sa naglalagablab na bahay kung saan umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bago tuluyang naapula ganap na ala-1:40 ng hapon.

Umabot sa P.8 mil­yong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy.

Show comments