UST stude natagpuang patay sa loob ng dormitoryo

MANILA, Philippines - Nabubulok na ang katawan ng isang 21-anyos na top board passer ng Medical Technologist  at kasalukuyang  2nd year Post Graduate sa Doctor of Medicine ng University of Sto. Tomas (UST), nang matagpuan sa loob ng dormitory nito sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Ang biktima ay kinilalang si Kelvin Descutido, binata, tubong Talim Island, Binangonan, Rizal at nanunuluyan sa  Rosarito St., Sampaloc, Maynila.

Sa ulat ni SPO1 Jonathan Moreno ng MPD-Homicide Section, dakong alas-2:30 ng hapon, ng Martes nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng inuupahang kuwarto.

Sa salaysay ng isang Mark Vincent Dimayacyac, 21, medicine student, naisipan niyang puntahan sa dormitory ang biktima dahil nagtataka siya sa hindi nito pagpasok ng dalawang araw, gayung masipag umano ito sa pagpasok sa klase.

Dahil na rin sa napapansin ng mga katabing kuwarto ang masangsang na amoy, sumama pa ang caretaker na si Elisa Mahusay, 37, kay Dimayacyac nang magtungo sa kuwarto ng biktima, kung saan nakumpirma na doon nagmumula ang mabahong amoy.

Sa pagdududang may masamang nangyari, humingi ng tulong sa Brgy. 471, Zone 46, District 4 na umalalay sa pu­wer­sahang pagbubukas ng kuwarto ng biktima kung saan tumambad ang wala ng buhay na si Descutido.

Wala namang nakitang sugat o indikasyong pinahirapan ang biktima, maliban sa nag-iiba na ang kulay ng balat dahil sa nabubulok na dugo sa katawan.

Show comments