Bayaw nainggit, hipag binugbog

MANILA, Philippines - Bugbog ang tinamo ng isang  32-anyos na masahista nang suntukin ng kanyang bayaw dahil sa matinding inggit matapos na ipaubaya na lamang ng ina ng suspect sa biktima ang pamamahala ng massage parlor sa Luneta.

Nagtungo sa Manila Police District-Women’s and Children’s Desk dakong alas-11 ng umaga kahapon si  Nelda Hila, ng Magallanes St., Intramuros, Maynila upang ireklamo si Wilfredo Guevarra at ang misis nitong  si Myrna Guevarra, ng Batanes St., Sta. Mesa, Maynila.

Sa salaysay ng biktima, una umano siyang  sinaktan ni Wilfredo noong October 26 sa kanilang massage parlor sa Luneta matapos niyang awatin sa akmang pambubugbog sa isa niyang anak na lalaki.

Alas-2:00 naman ng hapon kamakalawa nang  muli siyang inaway ng suspect kung saan napuruhan siya sa kanang mata at ka­liwang pisngi.

Nabatid sa ginang na matagal nang galit sa kanya ang bayaw na suspect matapos na ipaubaya sa kanya ng kanyang biyenan  ang pa­ngangasiwa sa parlor.

Naiinggit umano si Wilfredo dahil bagama’t hiwalay na si Hila sa  kapatid ng suspect na si Jimmy, mas pinili ng kanilang ina na si Remedios na ipamahala ang kanilang negosyo sa kanya. Limang anak ang iniwan ni Jimmy kay Hila.

Show comments