Lady trader utas sa ambush

MANILA, Philippines - Utas ang isang babaeng negosyante habang sugatan naman ang nakaba­batang kapatid nito makaraang tambangan at pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang sakay ang mga ito ng kanilang kotse, kamakalawa ng umaga sa Las Piñas City.

Hindi na umabot ng buhay sa Alabang Medical Center si Guilma Bathan, 52, ng Hawaii St., Camella Homes 2-A, Bacoor City habang sugatan, gayunman ay nasa ligtas na kalagayan ang nakababata nitong kapatid na si Ma. Victoria Rendor, 42, ng Villa Antonina, San Nicolas Dos, Bacoor City.

Sa inisyal na ulat ng Las Piñas City Police, dakong alas-10 ng umaga nang maganap ang pananambang sa harapan ng Doña Josefa Village, Pilar Road, Almanza Uno, ng naturang lungsod.  Nabatid na sakay ng kotse  (WCL-484) ang magkapatid at patungo sa pulong sa pinatatakbo nilang pabrika sa Doña Josefa Village nang harangin ng nag-iisang sa­larin lulan ng motorsiklo at paulanan ng bala ang dalawa­.

Napuruhan naman ng bala ng calibre .9mm sa katawan si Bathan habang tinamaan si Rendor sa likod at kanang braso. Nakasaklolo naman agad ang kapatid na lalaki ng mga biktima na si Salvador Rendor na siyang nagdala sa pagamutan sa mga biktima.

Kasalukuyang inaalam ngayon ng pulisya kung may kaugnayan sa negosyo o personal na alitan ang motibo ng naturang pananambang.

Show comments