May gusto sa biyuda
(Pilipino Star Ngayon) - January 13, 2020 - 12:00am

Dear Dr. Love,

Unang-una sa lahat ay binabati kita ng isang magandang buhay kasama ang hindi na mabilang na tagasubaybay ng iyong malaganap na column. Tawagin mo na lang akong Pepito, 28-anyos, isang magsasaka sa bayan ng Mindoro at binata pa. Kaisa-isa akong anak ng aking mga magulang na parehong suma-kabilangbuhay na.

Ni minsan ay wala akong nagustuhang babae kaya nanatili akong binata. Nalibang na lang ako sa ginawa kong pag-aasikaso sa aking bukirin dahil sumasapat naman ang kita ko kung para lang sa aking sarili.

Tanging isa’t kalahating ektaryang lupain ang naipamana sa akin ng mga magulang ko na aking sinasaka sa tulong ng ilang kaibigan at kaanak. Ang isang ektaryang bahagi ay sa palay at ang nalalabi ay may mga nakatanim na punong mangga na taun-taon ay sangkatutak kung mamunga at mayroon nang pumapakyaw sa bunga ng mga ito.

Nagkagusto ako sa isang biyuda na malaki ang agwat sa akin. 51-anyos na siya, at siya ang namamakyaw ng aking mga mangga at palay taun-taon. Mayaman siya at natatakot akong magtapat sa kanya dahil baka paghinalaan akong ibig magsamantala sa kanyang kayamanan. Ang kanyang mga anak ay pawang nasa Amerika na.

Sa tingin ko, pareho kaming nag-iisa na sa buhay at kailangan ang makakasama at makakatuwang. Sa palagay po ninyo, tama ba na ligawan ko siya?

Pepito 

Dear Pepito,

Walang masama kung ligawan mo siya at kung kayo ay magkakatuluyan. Tama ka. Kapwa kayo nag-iisa sa buhay at magandang ideya kung magiging mag-partner kayo dahil mukhang magkaugnay ang inyong mga negosyo. Ikaw ang nagtatanim at siya ang namamakyaw para ibenta ang iyong produkto.

Kung tapat naman ang intensyon mo sa kanya, bakit ka mangingimi at iisiping baka akalain niya na gusto mo lang ang kayamanan?

Bilang isang binata, karapatan mo na manligaw sa isang babae. Huwag mong isipin ang agwat ng inyong edad dahil ang mahalaga sa pagsasama ay hindi agwat sa edad kundi ang pagkakasundo ng mag-asawa.

Gayunman, sa panliligaw, dalawang bagay lang ang puwedeng mangyari: ang magtagumpay ka o mabigo. Ihanda mo lang ang iyong sarili sa dalawang posibilidad na ito.

Dr. Love

DR. LOVE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with