Lumang relos
(Pilipino Star Ngayon) - July 21, 2019 - 12:00am

Dear Dr. Love,

Masayang pagbati sa’yo.  May iniingat-ingatan akong lumang relos. Kumupas na ang pagka-gold plated nito kahit na mahigit isang taon pa lang sa’kin. Pero napakahalaga nito kahit binili lang sa Divisoria dahil ibinigay ito  sa akin ng lalaking mahal ko, na ngayo’y naglahong parang bula.

Tawagin mo na lang akong Sandy, 19-anyos, masasabi kong may kaya kami sa buhay.  Si Tommy na boyfriend ko ay isa lamang sorbetero, kaya mahigpit na tutol ang aking mga magulang sa pakikipagrelasyon ko sa kanya. 

Minsan bumibili ako ng sorbetes sa kanya sa harap ng aming bahay, tiyempong dumating ang tatay ko na bumaba sa aming kotse at pinagsabihan ng masasakit na salita si Tommy. Wala akong magawa kundi umiyak habang lumalayo si Tommy tulak-tulak ang kanyang ice cream cart.

Kinabukasan, tinext ako ni Tommy. Magkita raw kami sa isang fast food resto paglabas ko ng school.  Nang magkita kami, binigyan niya ako ng relos. Sabi niya mumurahin lang dahil ito lang ang kaya niyang ibigay sa akin. Aniya, kukupas din ang nadarama kong love sa kanya sapagkupas ng gold plating ng ibinigay niyang relos. Nagulat ako. May ibig sabihin ang mga katagang binitiwan niya. Nakipagkita-break siya sa akin. Aniya, tama si daddy ko. Hindi kami bagay. Nasaktan ako sa aming paghihiwalay. Isang taon ang lumipas. Kumupas nga ang relos pero hindi ang feelings ko para sa kanya. Tuwing hapon, inaabangan ko ang kuliling na naghuhudyat sa kanyang pagdating. Pero walang Tommy na dumarating. Hindi na rin siya sumasagot sa mga text messages ko.

Dr. Love, paano ko siya makakalimutan?

Sandy

Dear Sandy,

Kung sadyang imposible nang magkita pa kayong muli, wala ka nang ibang choice kundi kalimutan siya. Mahirap mang gawin pero ‘yun ang dapat. Gaya nang lagi kong sinasabi sa mga humihingi ng payo sa akin, huwag pigilin ang pag-inog ng mundo dahil lang sa isang masakit na nakaraan. Move on, Sandy.

Tanggalin mo ang lahat ng bagay na magpapaalala sa’yo sa kanya, tulad ng relos na ibinigay niya sa iyo. Maaari mo siyang burahin sa iyong isipan kung itutuon mo sa ibang bagay ang iyong atensyon, gaya ng iyong pag-aaral at paminsan-minsang gimmick kasama ang iyong mga kaibigan.

Bata ka pa and somewhere down the road, alam ko na may higit na magandang kapalaran na nakaabang sa iyo.

Dr. Love

DR. LOVE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with