Singsing is missing!
Dear Dr. Love (Pilipino Star Ngayon) - May 29, 2019 - 12:00am

Dear Dr. Love,

Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa mister ko na nawawala ang wedding ring na ibinigay niya sa akin. Masyado pa naman siyang maselan sa gamit. Lagi niyang pinaaalala ang singsing na huwag ko raw wawalain.

Tatlong buwan pa lang siya sa Dubai. Dalawang taon ang kontrata niya roon. Nag-apply siya roon bilang construction worker.

Nagpakasal kami bago siya umalis. Pinag-ipunan niya ang lahat para lang makasal kami. Lalo na ang singsing sa kasal namin. Ang mahal pa naman ‘yon.

Hindi ko alam kung saan nahulog. Baka sa palengke o sa kalye malapit sa amin. Tinitingnan ko nga sa mga sanglaan malapit sa amin baka may nagbenta ng singsing. Pinagtanong-tanong ko pero wala naman daw nakakita.

Gusto ko sanang palitan pero wala pa kaming ipon na tutumbas sa presyo ng singsing na iyon. Kung ibibili ko ng singsing, sana bigas na lang.  Ilang kaban din sana iyon.

Malamang magagalit siya sa akin kapag nalaman niyang nawala ko ang singsing.  Kapag magka-chat kami, hindi ko naman nababanggit. Isang beses nagtanong siya, sinabi ko na hinubad ko lang pero parang nagdududa na siya.

Paano ko kaya sasabihin sa kanya? Patay ako sa mister ko. Sana po matulungan po ninyo ako.

Narda

Dear Narda,

Ok ang pangalan mo, parang si Darna lang. Ding ang singsing. Hayan paano na nga? Ganito, kung hindi mo naman sinasadya… bakit kailangan ilihim mo pa sa mister mo ang nangyari sa wedding ring ninyo?

Aminin mo ng diretso na nawala ang singsing. Siguro sa una magugulat at magagalit ang mister mo. Pero sa maayos mong paliwanag, mauunawaan din niya na hindi mo rin naman gustong mangyari iyon.

Mahalaga ang singsing lalo na kung mahal. Pero mas mahalaga ang katapatan mo sa iyong asawa. Kaya hindi naman mababawasan ang inyong pagmamahalan kung dahil lamang sa isang singsing.

Patuloy mo pa ring pagsumikapan na makaipon para ma-kabili ng katulad nang nawalang singsing mo.

Paalala ko lang sa iyo na lagi kang maging maingat sa anumang bagay na mahalaga sa inyo ng iyong asawa.

Dr. Love

 

 

DEAR DR. LOVE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with