Holy Week bigtime oil price hike, arangkada na

This picture shows pumps in a gasoline station.
STAR / File

MANILA, Philippines — Simula na ang kalbaryo na mararanasan ng mga motorista ngayong Holy Week dahil simula ngayon ay magpapatupad ng bigtime oil price hike ang mga kumpanya ng langis.

Sa abiso ng Chevron Philippines (Caltex), Pilipinas Shell Petroleum at Seaoil Philippines, may P2.20 per liter ang taas presyo nila sa gasolina, P1.40 kada litro sa diesel at P1.30 per liter sa kerosene.

Ganito rin ang taas presyo ng Cleanfuel sa kanilang produktong gasolina at diesel maliban sa kerosene.

Alas-6 ng umaga ngayong Martes, March  26 ang simula nang malakihang oil price hike maliban sa  Cleanfuel na alas-4:01 ng hapon ngayong Martes.

Una nang tinantiya ng Department of Energy – Oil Industry Management Bureau ang bigtime price hike dahil sa pag-atake ng Ukraine sa tatlong malalaking refinery ng Rusia.

Bukod dito, nagbawas din ng ini-export na langis ang Iraq, maging ang kaganapan sa stock sa Amerika.

Ito na ang ikalawang sunod na pagtaas sa presyo ng gasolina matapos ang karagdagang P0.10 kada litro noong nakaraang linggo, samantalang bumaba naman ng katulad na halaga ang presyo ng diesel.

Show comments