1 pang kaso ng hazing ng Tau Gamma Phi, idinulog sa PAO

Sinabi nitong Huwebes ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta na ang unang biktima ay si Ronnel M. Baguio, 20, tubong Bataan, at marine engineering student sa Cebu.
STAR/File

MANILA, Philippines — May nauna pang kaso ng hazing at pagkamatay ng isang engineering student sa lalawigan ng Cebu na kinasasangkutan ng Tau Gamma Phi fraternity, na sinasabing sangkot din sa pagkamatay ng Adamson University student na si Matthew Salilig.

Sinabi nitong Huwebes ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta na ang unang biktima ay si Ronnel M. Baguio, 20, tubong Bataan, at marine engineering student sa Cebu.

Ito’y nabatid matapos magpasaklolo sa PAO ang inang si Leny Baguio, para sa kaso ng anak na namatay matapos dumanas ng matinding pagpapahirap sa initiation rites noong Disyembre 10, 2022 sa nasabing fraternity group.

Inilahad sa PAO ni Leny na hindi niya alam na sumali sa nasabing fraternity ang anak na hindi niya na makontak sa pamamagitan ng chat noong Dis. 10 at nalaman lamang na bumalik sa boarding house mula sa kaniyang roommates noong Dis. 12.

Dis.17 ay nagtanong umano sa kaniya ang anak kung ano gamot sa urinary tract infections, pananakit ng tiyan at sakit ng ulo.

Disyembre 18 nang magsabi sa ina ang biktima na sumuka siya ng dugo kaya pinayuhan na magpatingin sa doktor.

Kahit umano hiniling ng ina na kunan ng litrato kung gaano karami ang dugo para makita niya ay tumanggi ang anak at sinabing hindi naman kailangan.

Pinadalhan ng pera ang anak para magpa-check-up at nang tawagan na ito ay kaibigan na ang sumagot na naospital na ang biktima.

Agad na nagtungo sa Cebu si Leny mula sa Bataan at hindi na dinatnang buhay ang anak na nakitaan niya ng maraming sugat sa hita at namamaga ang paa.

Hindi rin umano nagbigay ng financial assistance ang eskwelahan ng biktima sa katwirang sa labas nangyari ang hazing.

Nais ng ina ng biktima na mapabilis din ang paggulong ng imbestigasyon sa kaso ng anak tulad ng kay Salilig.

Show comments