Bong Go sa mga kasamang senador: Suportahan ang DDR bill
MANILA, Philippines — Muling nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa kanyang mga kasama sa Senado na suportahan ang pagpapasa ng Senate Bill No. 205, o kilala bilang Department of Disaster Resilience Act na lilikha ng isang highly specialized agency na ang tungkulin ay tiyaking adaptive, disaster-resilient at ligtas ang mga komunidad.
Umapela si Senador Go sa kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang pagtatatag ng DDR kapag muling isinampa sa 19th Congress upang pag-isahin at pahusayin ang lahat ng mga responsibilidad na may kaugnayan sa paghahanda at pagtugon sa sakuna.
“Alam naman natin na napakadalas pong tamaan ng bagyo ang ating bansa. Hindi lamang po bagyo pati na rin po lindol, pagputok ng bulkan, at iba pang kalamidad. Kaya kailangan po talaga natin i-step up ang ating paghahanda laban sa mga nasabing kalamidad,” paliwanag ni Go sa kanyang video message sa isinagawang relief effort ng kanyang grupo sa Arayat, Pampanga.
“Itong departamento na ito, bago pa dumating ang bagyo, mayroon na hong makikipag-coordinate sa LGUs, preposition of goods at ilikas po ang mga kababayan natin sa ligtas na lugar. At pag-alis ng bagyo, restoration of normalcy kaagad, maibalik kaagad sa normal ang pamumuhay ng mga kababayan natin. ‘Yan po ang layunin ng Department of Disaster Resilience,” paliwanag ni Go.
Idinaos sa Arayat Sports Complex, ang koponan ni Go ay namahagi ng mga pagkain at mask sa 775 biktima ng bagyong Ulysses.
Nagbigay din sila sa mga piling indibidwal ng computer tablet sa mga mag-aaral, sapatos at bisikleta.
- Latest