FDA aprubado 'emergency use' ng Moderna vaccines sa mga batang 12-17 taon

MANILA, Philippines — Isa na namang brand ng bakuna laban sa COVID-19 ang nabigyan ng emergency use authorization (EUA) ng Philippine Food ng Administration (FDA) para magamit sa mga menor de edad, sa gitna ng pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant sa mga "adolescents."

Kinumpirma ni FDA director general Eric Domingo ang pag-amyenda sa EUA ng Moderna ngayong Biyernes, dahilan para maiturok na ito sa mga batang 12-17 taong gulang kapag sumapat na ang suplay ng gamot sa Pilipinas.

"Ang after a thorough evaluation by our vaccine experts and our regulatory experts sa FDA, in-approve na po namin ngayong araw na ito ang paggamit under emergency authorization ang Moderna vaccine for adolescents aged 12 to 17," ani Domingo sa Laging Handa briefing ng state-run PTV4.

Aniya, nag-apply ang Moderna para sa pag-aamyenda ng kanilang EUA dalawang linggo na ang nakalilipas.

Dahil dito, sasamahan na nito ang Pfizer COVID-19 vaccines sa mga bakuna kontra sa virus na may pansamantalang pag-apruba ng FDA sa gitna ng pandemya.

Pero babala ni Domingo, may ilang dapat pag-ingatan sa tuwing magpapaturok ng mRNA vaccines gaya ng Moderna at Pfizer, dahil sa "very rare" risk ng Myocarditis. 

"Inflamation [ito] sa puso na nakikita sa mga very few, very rarely, one in for every million, siguro a few every million na nabakunahan, at mas nakikita sa mga younger males."

"But definitely, with the Delta variant affecting a lot of children, nakita po ng ating mga expert that the benefit of using the vaccine outweighs the risk."

Dagdag pa niya, nag-apply na ang Moderna ng full approval para sa kanilang COVID-19 vaccines sa Estados Unidos. Oras na magkaroon na sila nito, maaari na itong maibenta sa mga botika kasabay ng paglawak ng immunization efforts. Pagtataya niya, maaari itong mangyari sa loob ng isang buwan.

May EUA pero hindi pa maituturok agad-agad

Kahit may EUA na ang Moderna at Pfizer vaccines para sa paggamit nito sa ilang menor de edad, hindi pa ito agad maaaring gamitin dahil sa ilan pang problema, ayon sa Department of Health (DOH).

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, "wala" pa raw kasing rekomendasyon ang mga eksperto sa paggamit nito kahit na sa mga bata kahit may comorbidities.

Aniya, naghahanap pa sila ng mga karagdagang ebidensya para mapatunayang ligtas ito sa mga bata, kahit inaral na ito ng FDA.

Bukod pa riyan, kulang pa raw ang supplies nito at hindi pa nakatatanggap ng bakuna ang maraming senior citizens at may comorbidites na may mas mataas na risk ng komplikasyon sa COVID-19.

"[A]nd then [after that], vaccinations for children will follow din naman po basta nagkaroon tayo ng more evidence on safety and our supplies are enough already," ani Vergeire noong Martes.

Kamakailan lang sitahin ng DOH ang COVID-19 vaccination ng mga 17-taong gulang sa Tacloban gamit ang Moderna kahit para pa lang sa 18-anyos pataas ang EUA nito noon. — James Relativo

Show comments