COVID-19 cases sa bansa pumalo sa 504,084 habang patay umakyat sa 9,978

Makikita sa larawan ang paglahok ng isang city hall employee sa isinagawang COVID-19 vaccination simulation sa Maynila, 19 ng Enero, 2021. Una nang sinabi ng gobyerno na Pebrero ngayong taon pinakamaagang makararating ang mga bakuna laban sa nasabing sakit.
AFP/Ted Aljibe

MANILA, Philippines — Ini-report ng Department of Health (DOH) ang nasa 1,357 bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) ngayong Martes, dahilan para pataasin nito ang kabuuang bilang ng nadali ng nakamamatay na sakit sa 504,084.

Nasa 27,857 diyan ang itinuturing na "aktibong kaso," o 'yung mga hindi pa gumagaling o namamatay sa virus.

Umabot naman sa 69 ang kamamatay lang sa COVID-19 ayon sa mga datos ngayong araw dahilan kung kaya't 9,978 na lahat-lahat ng mga pumanaw dito. Ligtas naman na sa karamdaman ang nasa 466,249 na dati'y dinapuan ng pathogen

Lugar na may pinakamararaming fresh cases

  • Davao City, 130 (general community quarantine)
  • Rizal, 71 (modified general community quarantine)
  • Quezon City, 66 (GCQ)
  • Pampanga, 54 (MGCQ)
  • Benguet, 52 (MGCQ)

Anong bago ngayong araw?

Ngayong araw lang nang kumpirmahin ng Food and Drug Administration (FDA) na pinayagan na nila ang pagsasagawa ng clinical trials sa Pilipinas para sa kumpanyang Sinovac, na isa sa iilang magsu-suplay ng bakuna laban sa COVID-19 sa Pilipinas.

Basahin: Sinovac cleared for COVID-19 vaccine clinical trials in the Philippines

Kasabay 'yan ng pagsabi ni FDA director general Eric Domingo na maaaring tumanggap at gumamit ng mga hindi otorisadong donated COVID-19 vaccines ang gobyerno basta't babantayan ito ng DOH.

Kanina lang din nang kumpirmahin ni presidential spokesperson Harry Roque na mauuna si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapaturok ng otorisadong gamot mula sa Sinovac oras na dumating ito sa bansa, basta't may pahintulot na.

Umaabot na sa 93.8 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling ulat ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, 2.02 milyon na ang pumapanaw. — James Relativo at may mga ulat mula kay Xave Gregorio

Show comments