BI kinampihan ng mga senador

MANILA, Philippines — Kinampihan kahapon ng ilang senador ang Bureau of Immigration sa ginawang pagkansela sa missionary visa ni Sister Patricia Fox.

Ayon kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, ang isang banyaga ay hindi dapat nakikialam sa domestic politics ng bansa kung saan siya naroon.

Ganoon din aniya ang dapat gawin ng mga Filipino na hindi dapat nakikisawsaw sa pulitika ng ibang bansa.

Sinabi pa ni Pimentel na ang domestic policies ay nakalaan lamang sa mga lokal na mamamayan.

“If you are a foreigner, do not interfere in the domestic politics where you are in. Including Filipinos, ganoon din tayo huwag tayo makialam pag nasa ibang bansa dahil I am sure, kahit hindi ko pa nababasa batas nila, ba­wal yun.  Domestic policies and rights are reserved sa local citizens,” sabi ni Pimentel.

Ayon naman kay Sen. Francis “Chiz” Escudero, bagaman at maitutu­ring na “unfortunate” ang nangyari sa misyonaryong madre, ang pagbibigay at maging ang denial ng isang visa ay nasa kapasyahan ng isang bansa.

Umaasa rin si Escudero na makababalik sa Pilipinas si Fox at mareresolba ang anumang hindi pagkakaunawaan.

Ikinumpara rin ni Escudero ang hindi pagbibigay sa kanya ng Amerika ng kanyang visa kahit pa na-admit siya sa isang paaralan sa nasabing bansa.

Kaya umano kinaila­ngan niyang umapela na maari ring gawin ni Fox.

Maging si Sen. Panfilo “Ping” Lacson ay kumatig rin sa naging desisyon ng BI.

Ayon kay Lacson, da­pat suportahan ang BI ng mga Filipino na nagmamahal at nagpapahalaga sa national interest ng bansa.

Show comments