US Sec. Kerry nasa Pinas, bibisita sa Tacloban City

MANILA, Philippines - Dumating na kahapon sa bansa si US Secretary of State John Kerry upang bisitahin ang inilunsad na humanitarian mission ng Amerika sa mga naging biktima ng super bagyong Yolanda sa Tacloban City, Leyte na matinding sinalanta ng kalamidad.

Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Eduardo del Rosario na kabilang sa agenda ni Kerry sa 2 day official visit nito sa bansa ang pagbisita sa mga lugar na tinamaan ni Yolanda sa Tacloban.

Personal na aalamin ni Kerry ang pag-usad ng humanitarian efforts ng Amerika kung saan nanatili pa rin sa lugar ang mga kinatawan ng USAID (United States Agency for International Development).

Sa kasalukuyan ay umaabot na sa $60-million ang halaga ng tulong na naipaabot ng US government para sa calamity-striken areas.

Dakong alas-12 ng tanghali ng lumapag sa NAIA ang US State Secretary kasama ang iba pang de­legasyon ng Estados Unidos.

Inaabangan na ng mga lokal na opisyal at mga residente ng Tacloban City ang pagdating ng US official.

Ang US ang nanguna sa 16 bansang sumaklolo sa Pilipinas na nagbuhos ng malaking puwersa, eroplano at mga barko para mapabilis ang humanitarian at relief operations sa mga biktima ng Yolanda partikular na sa Leyte at Samar.

Show comments