2 karnaper timbog

MANILA, Philippines - Arestado ang dalawang karnaper na tumitira sa mga public utility jeepney (PUJ) matapos ang follow-up operation ng awtoridad ilang minuto matapos tangayin umano ng mga ito ang isang jeep sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Sa ulat ng Novaliches Police Station (PS-4), nakilala ang mga suspect na sina Jessy Boy Anos, 41, at Noel Elipano, 35; kapwa residente ng Block 23, Lot 23, Champaca St., Maligaya Park, Novaliches. Sila ay naaresto sa follow up operation ng PS-4 matapos na humingi ng tulong ang may-ari ng sasakyang tinangay na si  Rey Yabut, 29, binata ng  Serrano compound, Doña Rosario Novaliches.

Nangyari ang insi­dente sa may Gen. Luis St., malapit sa Metrobank, Brgy. Nova Proper, Novaliches, ganap na alas-8 ng gabi.Bago ito, ipinarada umano ng driver ni Yabut ang nasabing jeepney (TWC-221) sa nasabing lugar para maghapunan sa isang restaurant. Matapos kumain, ay  hindi na niya nakita ang nasabing sasakyan.

Humingi ito ng tulong sa pulisya na mabilis namang nagsagawa ng ope­rasyon sa may Sampaguita St., Maligaya Park, Brgy. Pasong Putik kung saan iniulat na karamihan sa mga nananakaw na PUJ ay dito narerekober.

Pagsapit sa lugar ay napuna ng mga awtoridad ang isang nakaparadang PUJ  na aktong binabaklas ng mga suspect, dahilan para sila arestuhin.

Show comments