EDITORYAL — Cyber libel

Noong Sabado, inaresto sa Quezon City ang writer at veteran journalist na si Philip Lustre Jr. dahil sa cyber libel case na isinampa sa kanya sa Davao City Regional Trial Court (RTC) Branch 10. Inaresto si Lustre matapos dumalo sa Saturday News Forum sa Quezon City.

Ayon sa abogado ni Lustre, hindi alam ng mamamahayag ang tungkol sa kaso bago siya arestuhin. Kamakalawa, pinalaya rin si Lustre matapos makapagpiyansa P48,000.

Ang pangyayaring ito ay nagbukas sa matagal nang tanong: kailangan pa bang may parusang pagkakakulong para sa kasong libel?

Mahalagang protektahan ang reputasyon ng isang tao. Hindi dapat gawing lisensiya ang freedom of expression para magpakalat ng kasinungalingan o manira nang walang basehan.

May responsibilidad ang journalists, content creators at ordinaryong mamamayan sa kanilang inilalathala.

Pero ang decriminalization ay hindi nangangahulugang mawawala ang pananagutan.

Matagal nang iminumungkahi na maaaring manatili ang civil remedies, kabilang ang pagbabayad ng damages, para sa mga taong mapatutunayang siniraan.

Ang mahalagang tanong ay kung kailangan pa bang samahan iyon ng posibilidad ng pagkakakulong.

May epekto ang criminal libel kahit wala pang final conviction. Kailangang humarap sa imbestigasyon, kumuha ng abogado, magpiyansa at dumaan sa matagal na proseso.

Para sa mga mamamahayag at ordinaryong mamamayan, maaari itong lumikha ng takot na magsalita o maglabas ng kritikal na impormasyon, lalo na kung tungkol sa mga taong nasa kapangyarihan.

Kasabay nito, hindi dapat mawala ang proteksiyon laban sa tunay na paninirang-puri.

Ang maling impormasyon at malicious accusations ay maaari pa ring dalhin sa korte at hingan ng danyos.

Kaya ang usapin ay hindi pagpili sa pagitan ng malayang pananalita at proteksiyon sa reputasyon. Parehong mahalaga ang dalawa.

Ang mas mahalagang tanong ay kung makataru­ngan pa ba na kulong ang sagot sa mapanirang salita.

Maaaring papanagutin ang naninira nang hindi kinakailangang gawing krimen ang bawat kasong may kinalaman sa reputasyon.

Show comments