Imago (29)

HINDI na nag-aksaya ng sandali si Maya. Bitbit ang kanyang backpack, patakbo siyang bumaba sa kahoy na hagdanan patungo sa lobby ng ryokan. Ang kanyang puso ay tila gustong kumawala sa dibdib habang nasa harap ng matandang ­receptionist sa front desk.

“Sino?” hingal na tanong ni Maya sa wikang Ingles, nanginginig ang boses. “Sino ang nagpasok sa akin sa kuwarto ko kanina? Sino ang may hawak ng susi?”

Nagulat ang matanda, ngunit nanatili ang magalang na ngiti nito. “Ah, Bumalik ka rito kaninang madaling-araw. Kasama mo ang kaibigan mo. Masyado ka raw mara­ming nainom na alak, sabi niya, kaya kailangan mo ng tulong sa paglalakad.”

“Hindi ako uminom!” sigaw ni Maya, na naging sanhi ng paglingon ng ilang banyagang turista. “Ipakita mo sa akin ang CCTV. Ngayon din!”

Dahil halos magwala, mabilis na iniharap ng matanda ang maliit na monitor sa desk. Ipinasok nito ang password at binalikan ang recording kaninang alas-singko ng umaga.

Nanlamig ang buong katawan ni Maya sa nakita.

Sa screen, malinaw ang bulto ng kanyang sariling katawan, walang malay, nakalaylay ang mga kamay habang pasan ng isang lalaki. Ang lalaki ay suot ang paboritong jacket ni Nelson. Ngunit nang dumaan ito sa ilalim ng mismong camera ng pasilyo, tumingala ito.

Ang mukha nito ay natatakpan ng isang itim na surgical mask at malamig na nakatitig sa CCTV, na tila alam na panonoorin iyon ni Maya. (Itutuloy)

Show comments