_pang-masa
^

Punto Mo

Binabasa ba o pinanonood ang internet?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

KAKAIBA ang sitwasyon ng internet. Hindi siya tulad ng mga libro, magasin, diyaryo, polyeto at iba pang klaseng babasahing nasa papel  na ginagamit sa pamamagitan ng pagbabasa lamang nito  o ng telebisyon o sinehan na pinanonood o ng radyo na pinakikinggan lamang.

Dahil nabubuksan ang internet sa computer, laptop, iPad o tablet, at  mobile phone, makikita sa pamamagitan ng screen ng mga gadget na ito ang mga nilalaman ng internet. Makakabasa ka ng mga teksto ng anumang mga balita, impormasyon, lathalain, anunsiyo  at iba pang kaalaman sa iba’t ibang website sa iba’t ibang browser.

Pero makakapanood ka rin dito ng mga video o pelikula na sinasamahan din ng mga teksto at bumabaha rin sa internet ang mga litrato ng mga tao, lugar, halaman, hayop, kapaligiran, kalikasan, gusali, punongkahoy, karagatan, sasakyan,  mga ulap, kalawakan, mga planeta at bituin at iba pang mga bagay-bagay.

Pero, dahil nga nakatingin ka sa screen ng isang gadget habang nagbubukas sa internet ng mga website, social media, at iba pa, masasabing tila pinanonood mo ito na parang nasa harap ka ng telebisyon. Pero, dahil meron ding mga teksto dito tulad ng sa mga naglalabasan ditong mga balita,  lathalain o impormasyon, parang binabasa mo rin ang mga ito na tulad ng sa mga libro o magasin o pahayagan.

Bukod dito, makakarinig ka sa internet ng mga musika na parang nakikinig ka ng mga kanta sa radyo o mobile phone. Ganundin sa pakikinig ng mga balita o talumpati o pahayag o pagsasalita ng mga tao na bukod sa nakikita mo ito sa video ay maririnig mo rin ang mga taong nagsasalita o kumakanta halimbawa.

Tila lumilitaw na walang solong salitang makapaglalarawan kung paano ginagamit ang internet.  Parang pinagsama rito ang sistema ng  panonood, pagbabasa at pakikinig. Hindi nga kasi puwedeng sabihing binabasa mo lang ang anumang bagay sa internet. Pinapanood mo rin ito sa pamamagitan ng screen o monitor ng isang electronic gadget tulad nga ng computer.

Bagaman nakakapanood ng mga pelikula, video at TV show o concerts sa internet, nakakabasa rin dito ng mga nakatekstong mga impormasyon o balita. Sa ingles nga na nangingibabaw na lengguwahe ng internet, malimit makakakita ka rito ng mga salitang “View”  o  “Read” na nang-eenganyong bisitahin ang  isang website, link, video, at iba pang itinatampok sa internet.

Maging sa Ingles ay walang iisa o solong salita na maglalarawan kung paano mo ginagamit ang intenet.  Dahil nga bukod sa nagbabasa ka ay nanonood ka rin at nakikinig  dito.  Mga malalakas na katangian ng internet kaya naging makabuluhan siya sa larangan ng negosyo, kalakalan, edukasyon, trabaho, pananaliksik,  komunikasyon, militar, medisina, agham, at iba pang aspeto ng buhay ng sangkatauhan bukod sa mga libangang naibibigay nito.

Pero, sa kabila ng mga nabanggit na kalakasan, meron ding kahinaan sa internet. Hindi mo siya mabubuksan kung walang kuryente, o lowbat ang gadget o  kung mahina ang signal ng wifi o walang wifi o mahina ang signal ng mobile phone kung data ang ginagamit sa pagbubukas ng internet. At nakakapagbukas ka lang nito sa mga computer at iba pang electronic gadget na kailangang nakakabit sa electric outlet o merong power ang baterya para magamit. 

Email: rmb2012x@gmail.com

INTERNET
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with