Ang babae sa aparador (132)
Ronnie M. Halos (Pang-masa) - August 6, 2020 - 12:00am

HABANG papalapit si Joshua ay nag-iisip ng paraan si Ziarah kung paano makakalusot sa pinangako rito kahapon na ngayon nila pag-uusapan ang tungkol sa hinihiling nito. Ang totoo’y wala naman siyang balak na sagutin ito o pag-usapan ang tungkol dun. Sinabi lang niya iyon para umalis ang kumag dahil dumating na nga si Jonas.

Nakaisip siya ng paraan.

Dinukot niya ang panyo at pinilit na umiyak.

Inalala niya ang namatay na ina at ang pagmamaltrato sa kanya ng amain na gusto siyang gahasain.

Bumukal ang luha sa kanyang mga mata.

Hindi lang luha kundi pati sipon.

Sanay siya sa ganun dahil umaarte siya sa entablado noong high school. Kadalasang role niya sa play sa school ay umiiyak.

“Bakit ka umiiyak, Zia­rah?’’ tanong ni Joshua nang makalapit.

Todo arte na siya.

‘‘Pinagalitan ako ng amo ko, hu-hu-hu!’’

“Bakit ka pinagalitan?’’

“Nakitang nakikipag-usap ako sa’yo. Inuuna ko pa raw ang makipag-usap sa lalaki kaysa magluto ng hapunan, hu-hu-hu!’’

“Napakahigpit naman ng amo mo.’’

“Patitigilin na raw ako sa pag-aaral, hu-hu-hu!’’

“Sobra naman ang amo mo!’’

“Ayaw niya na may kausap akong lalaki. Hindi raw niya ako pinag-aaral para makipagligawan o makipag-mabutihan, hu-hu-hu!’’

“Grabeng amo mo!’’

“Baka bukas, hindi na ako pumasok, hu-hu-hu!’’

“Para yun lang ang nagawa mo e hindi ka na papapasukin?’’

“Istrikto nga ang amo ko! Ayaw niya nang ligaw-ligaw!’’

Napailing-iling si Joshua.

Paniwalang-paniwala sa arte niya.

Lalo pa niyang ginalingan ang pag-arte.

“Sabi ng amo ko, kung maipapangako ko raw na hindi na makikipag-usap sa lalaki, baka patuloy pa niya akong pag-aralin. Pero kapag sumira raw ako uli, palalayasin na talaga ako. Kaya huwag mo na akong kausapin, Joshua. Maawa ka sa akin! Maawa ka, hu-hu-hu!’’

Nakatingin lang si Joshua.

Parang awang-awa sa kanya. (Itutuloy)

 

ANG BABAE SA APARADOR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with