KARANIWAN na sa mga wedding or birthday invitation na ipinadadala ay may nakasulat na letrang RSVP. Ano ba ang RSVP? Ito ay initial ng salitang French na “Répondez s’il vous plaît” na ang ibig sabihin sa Ingles ay “please respond” or “please answer”. Kailangang sagutin kaagad ng inimbitahan kung makakarating siya o hindi sa party.
Kung minsan ay may petsang nakalagay kung hanggang kailan hihintayin ng host ang confirmation ng iyong pagdalo. Kailangan ang ganitong confirmation upang malaman ng host kung ilan ang oorderin niyang pagkain at drinks. Karamihan ngayon kasi ay sa restaurant or hotel ginaganap ang party.
Nasanay ang mga tao sa aming probinsiya na ang kasalan o anumang klaseng handaan ay sa bahay lang ginaganap. Hindi na kailangan ang invitation card at RSVP na ‘yan. Basta’t nakasalubong ng host ang kanyang friends or relatives sa daan, palengke, jeep ay kakawayan lang ito at isisigaw ang: ‘Punta kayo sa bahay, binyagan ng bunso ko sa akinse ng buwang ito! Sasagot naman ang inimbitahan ng: Anong oras?
Sisigaw ang host ng: Tanghalian! O, ayos na ang butu-buto…nakapag-imbita na ang host gamit ang kaway at malakas na boses. Hindi na kailangang bilangin ang magiging guests dahil kung naubusan ng pagkain ang mga na-late na bisita, biglang may taong uutusan ang host para magpa-rush ng lutong pancit canton sa panciteria ng Intsik. Talagang ganoon, late silang dumating…pasensiya sila!
Sa katagalan, marami na rin ang naging sosyal sa aming bayan. Ang wedding o debut ay madalas gawin sa restaurant o hotel sa Maynila o kung sa probinsiya naghahanda, karamihan ay nagrerenta na lang ng function hall at kumukuha ng caterer. Kaya hayun, nauso ang invitation card at biglang naging lahing French at nakigamit na rin “Répondez s’il vous plaît”.
Sa kabila ng mga maraming pagbabago, marami pa rin sa aking mga kababayan ang nanatiling walang alam sa etiquette tungkol sa pagtanggap ng invitation card.
Mayroon diyan na basta na lang hindi darating; mayroong nagkumpirma na darating pero hindi naman natupad; mayroong hindi dumating dahil nagtampo at hindi inimbitahan ang dyowa niyang tomboy; pero ito ang pinakamatindi—ang nakalagay sa invitation ay 11:30 AM pero nang dumating ay 3:00 p.m. Nadatnan na lang ay mga janitor na naglilinis ng hall. Hindi raw kasi binasa ang detalye sa invitation card.