Tayo ba’y itinuturing ng China na kapwa-tao?
USAP TAYO - Pastor Joey Umali (Pang-masa) - June 22, 2019 - 12:00am

SALUDO ako sa mga mangingisdang Vietnamese na sumagip sa 22 mangingisdang Pilipino na naaanod sa Recto Bank, karagatang pagmamay-ari ng Pilipinas sa West Philippine Sea, matapos na ang kanilang barkong pangisda, ang Gem-Ver 1, ay banggain diumano ng isa pang barkong pangisda ng China. Kung hindi sa ginawang tulong ng mga Vietnamese, malamang ay namatay ang ating mga kababayan.

 Lumutang sa ginawa ng mga Vietnamese ang pagmamalasakit sa kanilang kapwa-tao na nasa bingit ng kamatayan.  Ang ating kapwa ay sinumang nangangailangan ng ating tulong, hindi man natin kakilala o kaibigan o kalahi ang mga ito. Ito ang ibig sabihin ni Hesus nang sabihin Niyang “Ibigin ang kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili.” Noong panahon ni Hesus, pinakitid ng mga Hudyo ang kahulugan ng kapwa. Para sa kanila, ang kapwa ay iyon lamang katulad nilang Hudyo. Lubos na kahanga-hanga ang ginawa ng mga Vietnamese na maaaring hindi magawa maging ng mga nagsasabing tagasunod sila ni Hesus. Ang paggawa ng kabutihan ay walang pinipiling relihiyon at lahi.

Sa kabilang banda, nakakagalit ang ginawang pag-abandona ng mga mangingisdang Chinese sa mga mangingisdang Pilipino, matapos na lumubog ang sinasakyan nilang barko na nakahimpil sa Recto Bank. Ayon sa Chinese Foreign Ministy, aksidente at hindi sinadya ang pagkakabangga, pero ayon naman sa ilang tripulante ng Gem-Ver, talagang sila’y sadyang binangga. Isang masusing imbestigasyon ng isang “independent third party” ang kailangan upang malaman natin kung sino ang nagsasabi ng totoo.

Para sa akin, hindi na isyu kung sinadya o aksidenteng nabangga ang Gem-Ver. Base sa mga ulat, inabandona ng mga mangingisdang Chinese ang mga mangingisdang Pilipinong palutang-lutang sa dagat, sa halip na tulungan.  Ito’y malubhang paglabag sa UN Convention on the Law of the Sea na nag-aatas sa mga barkong naglalayag na sagipin ang sinumang taong nanganganib ang buhay sa karagatan. Higit sa lahat, ito’y paglabag sa batas ng Diyos tungkol sa pakikipagkapwa-tao.

 Napaulat sa mga diaryo ang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang ginawang pag-abandona ng mga Chinese ay isang “cowardly action,” samantalang sinabi naman ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ito’y isang “barbaric act.” Naghain na rin ng formal diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs at ipinaalam na ang insidente sa United Nations International Maritime Organization. 

Ang nakagugulat ay ang mismong pahayag ni President Duterte na ang nangyari ay isa lamang simpleng banggaan sa pagitan ng dalawang barkong pangisda, na parang inulit lamang niya ang pahayag ng Chinese Foreign Ministry Spokesperson na si Lu Kang. Maraming nadismaya sa pahayag ng Pangulo. Sabi nga ni Sen. Panfilo Lacson, ang pahayag ay isang malaking insulto at nagwasak sa puso ng mga Pilipino.

 Sa kabila ng lahat, tila hindi nababago ang paniwala ng Presidente sa sinseridad ng China sa pakikipagkaibigan sa Pilipinas.  Pero dahil sa mga nangyayari na katulad ng pagpasok ng China sa mga teritoryong pag-aari ng Pilipinas sa West Philippine Sea at itong insidenteng pinag-uusapan natin, hindi ba dapat ay ganito na ang itinatanong natin: Talaga bang itinuturing tayo ng China na kaibigan? O ang mas simpleng tanong, tayo ba’y itinuturing nilang kapwa-tao?

 Mas malakas ang aksyon kaysa salita. Anumang sabihin ng China ay mapapabulaanan ng aktuwal nilang ginagawa.  Kung paniniwalaan pa rin natin ang kanilang sinasabi, kahit hindi ito tumutugma sa kanilang ginagawa, tayo na ang pinakahangal na tao sa buong mundo!

 

KAPWA-TAO
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with